Ebanghelyo: Lucas 10,13-16
Sinabi ni Hesus, “Sawimpalad ka Corazin! Sawimpalad ka Betsaida! kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana siyang nag damit sako at naupo sa abo at nakapagbalik loob. Kaya magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon kaysa inyo sa araw ng pag hatol. At ikaw naman Capernaum, dadakilain ka, kaya hanggang sa langit? Hindi ibubulid ka sa impyerno. Ako ang dinidinig ng nakikinig sa inyo; at ako ang di tinatanggap ng di tumatanggap sa inyo. At ang di tumatanggap sa akin ay di tumatanggap sa akin”.
Pagninilay:
Noong nakaraang buwan, may pumasok sa Paulines Media Center na naghahanap ng maliliit na medalya ng Mahal na Birhen. IIalagay raw ito sa ginagawa nyang bracelet rosary. Challenge daw yon ng nag-order sa kanya. Bakit challenge? Kasi hindi na raw siya Katoliko. Tinanong ko kung bakit? Hindi nya tuwirang sinagot ang tanong ko. Marami lang talagang nangyari sa buhay nya na naging sanhi ng pagtalikod nya sa pananampalatayang Katoliko lalo na ang paghihiwalay nila ng kanyang asawa. Habang nagkukuwento sya ay ramdam kong mabuti syang tao. Sabi nga nya sinisikap daw nyang mabuhay nang maayos at naniniwala pa rin naman sya sa higher being. Sabi ko sa kanya, si God yung higher being na ayaw mo lang pangalanan. Kapanalig, minsan may mga mumunting himalang ginagawa ang Diyos sa ating buhay upang iparamdam Nya sa atin ang kanyang pagmamahal at pagtawag na magbalik-loob. Kung minsan kahit sa mga ordinaryong pakikipagkwentuhan, mararamdaman natin na nagsasalita ang Diyos sa ating karanasan. Kaya mahalaga ang kahit saglit na katahimikan upang makapag-isip tayo at makapagmuni-muni. Maririnig natin sa katahimikan ng ating puso at kalooban ang munting tinig ng Diyos. At kung pagtatagpi-tagpiin natin ang mga nangyayari sa buhay natin, mauunawaan natin kung paano tayo ginagabayan ng Diyos sa tamang landas upang makaiwas sa kasalanan. Dito marahil nalulungkot ang Diyos-kung sa kabila ng lahat na kabutihan nya at paggabay sa atin, patuloy pa rin nating pinipili ang mabuhay sa kasalanan.
Kaya sa ating Mabuting Balita ngayon, tinawag ni Jesus na sawimpalad ang mga taga Corazin, Betsaida at Cafarnaum. Dahil sa kabila ng mga himalang ginawa niya sa mga lugar na ito ay hindi sila nagsisi at nagbalik-loob. Kapanalig, hingin natin sa Diyos ang biyaya na matanto ang kanyang mensahe sa ating pang-araw araw na karanasan sa buhay. Bago nga pala umalis yong kausap ko, sabi nya sa kin, “Sister, mukhang babalik pa ako rito”. Napangiti ako dahil ramdam ko ang paggalaw ng Diyos sa kanyang buhay.