Lk 11:1-4
Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung paanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin niyo:
“Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang Kaharian mo,
bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangang-kailangan namin,
patawarin mo kami sa aming mga sala;
tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin,
at huwag mo kaming dalhin sa tukso.
REFLECTION
Mga kapatid, sa ating buhay-pananampalataya, ang dasal ang nag-uugnay sa atin sa Diyos. Ito lamang ang natatanging paraan upang makipag-usap tayo sa ating Dakilang Lumikha. Sa pamamagitan ng dasal pinalalakas ng Diyos ang ating kalooban upang malampasan ang mga paghihirap at kabiguang ating nararanasan. Pero minsan, hindi maalis sa atin ang magduda – lalo na kung matagal na tayong nananalangin pero tila yata bulag at bingi ang Diyos sa ating kahilingan. Minsan nawawalan na tayo ng pag-asa– lalo na kung masyado na tayong naghihirap dahil sa karamdaman, dahil sa mga utang na di mabayaran, sa relasyon na nagpapahirap sa ating kalooban, at iba pang mga problemang ating nararanasan. Mga kapatid, sa mga pagkakataong ito dapat pa nating pag-ibayuhin ang ating pananalig at pagtitiwala sa Diyos. Dahil Siya na lamang talaga ang ating maasahan at malalapitan sa panahon ng matinding pagkaligalig at pagsubok sa buhay. Batid ng Diyos ang lahat na nangyayari sa atin; batid Niya kung hanggang saan ang ating kakayahang malagpasan ang mga problema, at batid Niya rin ang tamang panahon ng pagtugon sa ating mga kahilingan. Ang mga pagsubok na dinaranas natin sa buhay– minsan paraan lamang ng pagtapik ng Diyos sa atin lalo na kung nakalilimot na tayo sa Kanya. Naging masyado na tayong abala sa pagkamal ng mga bagay na materyal at nakakalimutan na natin ang buhay espiritwal. Alalahanin nating manlalakbay lamang tayo sa mundong ito. Hiram lang ang lahat sa Diyos, at iiwan din natin ang lahat ng ating naipundar at pinaghirapan sa panahong ang Diyos lamang ang nakakaalam. Manalangin tayo. Panginoon, pag-ibayuhin Mo po ang aking buhay panalangin nang huwag akong mawawalan ng pag-asa sa gitna ng mga problemang aking nararanasan. Matanto ko nawa lagi na ang buhay hiram lamang – nang ang aking araw-araw na pag-iral laging nakatuon Sa’yo na aking uuwian. Amen.