Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 5, 2019 – SABADO SA IKA-26 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 10:17-24

Tuwang-tuwang nagbalik ang pitumpu’t dalawa at ang sabi: “Panginoon, mga demonyo ma’y sumuko sa amin dahil sa iyong pangalan.” Sinabi naman ni Jesus: “Nakita kong bumagsak na parang kidlat si Satanas mula sa Langit. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihang yumapak sa mga ahas at alakdan. Masusupil n’yo ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang anumang makapipinsala sa inyo. Ngunit magalak kayo hindi dahil sa pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa Langit ang inyong mga pangalan.” Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng Langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama naging nakalugud-lugod ito sa inyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ng Anak at ang sinuman gustuhing pagbunyagan ng Anak.”         Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila ng sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ang inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”

PAGNINILAY:

Perspektibo o pananaw. Ito ang pag-uusapan natin ngayon. Sinabi ni Jesus na mapalad ang mga nakakakita ng inyong nakikita. Mapalad din ang mga nakaririnig ng inyong naririnig. Ang Panginoon, sa paghulma niya sa atin na may tigdadalawang mata at tainga, at iba pang bahagi ng katawan natin, iniayon din Niya ito sa handog sa atin na karunungan. Ibig sabihin sa paggamit natin ng mata o tainga, nakatuon dapat ang perspektibo natin sa positibong pagninilay. Halimbawa, kapag nabasá ka ng malakas na ulan, na talagang nasipsip na ng damit mo ang tubig-ulan, ituon mo ang pananaw mo sa mabuti. I-welcome mo ang pagpapahalaga sa tubig, dahil may mga lugar na salat sa tubig, tigang ang lupa. O kaya magbigkas ka ng pasasalamat. “Salamat sa ulan, Lord, dahil na-remind mo ako na kailangan kong diligan ang kalooban ko. Na-buburn-out na kasi ako eh. The best ka talaga dahil alam mo ang sagot sa needs ko ngayon.”  Mabuting perspektibo. Ito ang perspektibo na may kaakibat na karunungan. Karunungang makaDiyos. Kaya, lalo kang sasaya. Sasaya din ang iba. Sasaya ang mundo. (Sr. Gemmaria de la Cruz, fsp)