Daughters of Saint Paul

Oktubre 5, 2024 – Sabado ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lc 10:17-24

Tuwang-tuwang nagbalik ang pitumpu’t dalawa at ang sabi: “Panginoon, mga demonyo ma’y sumuko sa amin dahil sa iyong pangalan.” “Nakita kong bumagsak na parang kidlat si Satanas mula sa Langit. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihang yumapak sa mga ahas at alakdan. Masusupil ninyo ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang anumang makapipinsala sa inyo. Subalit magalak kayo hindi dahil sa pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa Langit ang inyong mga pangalan.” Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng Langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama naging nakalugud-lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakikilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinuman gustuhing pagbunyagan ng Anak.” Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila ng sarilinan: “Mapalad ang matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita ngunit hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig ngunit hindi nila narinig.”

Pagninilay:

Mula sa pamilyang hikahos at nagdusa noong Unang Digmaang Pandaigdig, mababa lamang ang pinag-aralan ni Sr. Maria Faustina. Kaya nang pumasok siya sa kumbento, kadalasa’y sa kusina o sa hardin ang gawain niya. Gayunpaman, nakatanggap siya ng hindi pangkaraniwang mga pahayag – o mga mensahe – mula sa Panginoong Jesus. Hiniling ni Jesus kay Sr. Faustina na itala ang mga karanasang ito, na pinagsama-sama niya sa mga notebooks. Kilala natin ito ngayon na Diary of Saint Maria Faustina Kowalska kung saan nakapaloob ang mapagmahal na mensahe ng Maka-Diyos na Awa o Divine Mercy. Sa canonization ni Sr. Faustina noong taong 2000, tinawag siya ni Saint John Paul II na, “unang santo ng bagong milenyo at dakilang apostol ng Divine Mercy sa ating panahon.” Opo, mababa lang ang pinag-aralan ni Santa Faustina, ngunit ginamit niya to the max ang lahat ng kaloob ng Panginoon. Ang kanyang dunong, talino, lakas, at bokasyon ay ginamit sa pagtuklas, pagkilatis, at pagsasabuhay sa kalooban ng Diyos upang sa debosyon sa Divine Mercy, tunay na mabuhay ang lahat sa walang hanggang awa ng Diyos. Tulad ni Santa Faustina, nawa’y gamitin natin ang lahat ng biyaya ng Panginoon sa atin nang matuklasan at maisabuhay ang kalooban ng Diyos. Nang sa gayon, makapagbigay buhay, pag-asa at kagalingan tayo sa gitna ng ating mundong sugatan at puno ng kapighatian. 

Kapanalig/Kapatid, grateful ka ba sa dunong at talinong handog sa iyo ng Panginoon? Paano mo ito ginagamit?