Daughters of Saint Paul

Oktubre 6, 2016 HUWEBES Ika-27 na Linggo ng Karaniwang Panahon / San Bruno, pari

Lk 11:5-13

Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Ipalagay nating may mga kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo siya sa hatinggabi at sinabi:  “Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.  At sasagutin ka siguro na nasa loob: “Huwag mo na akong gambalain.  Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo para bigyan ka.’  Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man siya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin siya at ibibgay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa pagpupumilit sa kanya.

            “Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo.  Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo ang naghahanap at pinagbuksan ang kumakatok.

            “Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hiningi nito?  Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi?  Kaya kung kayo mang masasama marunong magbigay ng mabuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa Langit?  Tiyak na ibibigay ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa Kanya.”

REFLECTION

Narinig nating sinabi ni Jesus sa Ebanghelyo: “Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo ang naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok.”  Mga kapatid, kung hindi tama ang pagkaunawa natin sa mga katagang ito, maaaring isipin nating hindi naman totoo ang salitang ito.  Karanasan na rin ang makapagpapatunay na hindi naman talaga lahat ng ating hinihingi, ibinibigay ng Diyos.  May mga pagkakataon pa nga na sa sobrang tagal ibigay ng Diyos ang ating hinihingi, minsan nagsasawa na tayong humingi at nakakalimutan na natin ito sa kalaunan. Marahil ang maling pagkaunawa natin sa katagang ito, bunsod na rin ng maling pagkakakilala natin sa Diyos.  Una, dapat nating unawain na ang Diyos, mabuti, kung kaya’t tanging mabubuting bagay lamang ang ibibigay Niya sa atin.  Kung alam Niyang hindi makabubuti sa atin ang ating hinihingi, hindi Niya iyon ipagkakaloob sa atin.  Ikalawa, hindi sunod-sunuran ang Diyos sa bawat gustuhin natin.  May sarili Siyang kapasyahan na dapat nating igalang.  Ikatlo, Siya ang nagtatakda ng panahon para sa lahat ng bagay kung kaya’t matuto tayong igalang ang tamang oras na Kanyang itinakda at matuto tayong maghintay.  Panginoon, turuan Mo po akong igalang ang Iyong banal na kalooban, anuman ang tugon Mo sa aking panalangin.  Amen.