Daughters of Saint Paul

Oktubre 6, 2017 Biyernes sa Ika-26 na Linggo ng Taon / San Bruno, pari

LUCAS 10:13-16

Sinabi ni Jesus: “Sawimpalad ka, Corazin! Sawimpalad ka, Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagdamit-sako at naupo sa abo at nakapagbalik-loob. Kaya magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon kaysa inyo sa araw ng paghatol. At ikaw naman, Capernaum, dadakilain ka kaya hanggang langit? Hindi! Ibubulid ka sa impiyerno!

Ako ang dinidinig ng nakikinig sa inyo at ako ng di tinatanggap di tumatanggap sa inyo. At ang hindi tumatanggap sa akin ay di tumatanggap sa nagsugo sa akin.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang Corazin, Betsaida at Capernaum – mga sikat at kilalang bayan sa Israel noong kapanahunan ni Jesus.  Inaakala ng mga Judiong naninirahan sa mga bayang ito na may malaki silang karapatan sa mga pagpapalang ibibigay ng Diyos.  Tinutupad kasi nila ang mga kautusan ni Moises na para sa kanila’y siyang tunay na isinugo ng Diyos.  Dahil sa labis na pagpapahalaga sa mga Batas, naging bulag sila upang makita at matanggap ang kagandahan ng ipinanawagan ni Jesus tungkol sa pagbabalik-loob sa Diyos.  Dahil sa kanilang bulag na pananaw sa kabanalan bunga ng katigasan ng puso, hindi nila nararamdaman ang pangangailangan nilang magbagumbuhay.  Magaling at mabuti ang tingin nila sa sarili, dahil wala silang nilalabag na kautusan.  Sa kabila ng mga pangangaral at maraming himalang nasaksihan nila mula kay Jesus, nanatili silang mapagmataas.  Dahil dito’y nawalan ng puwang sa kanilang puso ang mga Salita ni Jesus.  Sa pagmamatigas ng kanilang puso, binalaan sila ni Jesus tungkol sa mabigat na kaparusahang naghihintay sa kanila.  Tunay na walang puwang ang Diyos sa puso ng mga mapagmataas at sarado ang isipan.  Mga kapatid, ang katigasan ng puso, pagiging sarado ng isip at kawalang pakialam na makisangkot sa masasamang kalakarang nangyayari sa ating lipunan at sa ating mundo – ang nagpapalayo sa atin sa Diyos.  Sa kalagayan ng ating bansa sa ngayon na talamak ang patayan, na ang bawat taong pinapatay, nauuwi na lamang sa numero – sa dami ng napapaslang araw-araw, tunay na nasa kalunos-lunos na kalagayan ang ating bansa sa ngayon.  Ang dating Filipinong kinikilala sa buong mundo na maka-Diyos, makatao, masayahin, matatag sa pagharap sa problema, at may respeto sa kapwa – napalitan na ng imahe ng Filipinong marahas, walang takot sa Diyos, at walang pagpapahalaga sa buhay ng tao. Sa araw-araw nating panonood ng patayan sa TV at sa internet, nagiging normal na balita na ito sa atin.  At nagbibilang na nga lang tayo ng pinapatay araw-araw. Masaya ba tayo sa kalagayan ng ating bansa sa ngayon?  Maipagmamalaki pa ba natin sa buong mundo, na nag-iisang Kristiyanong bansa tayo sa Asya?  Natutuwa kaya ang Diyos sa mga pinapaslang nating kapwa Filipino araw-araw?  Pag-isipan natin ito kapatid.