Ebanghelyo: MARCOS 10: 2-16 [o 10:1-12]
Nagpunta si Hesus sa probinsiya ng Judea, sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. At napakaraming tao naman ang nagdatingan. At muli niya silang tinuruan gaya nang dati. At lumapit ang ilang Pariseo na gusto siyang subukan at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” Itinanong naman niya: “Ano ang iniutos ni Moises” At sinabi nila: “Ipinahintulot ni Moises na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo.” Sinabi naman ni Hesus sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. Ngunit sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magigigng iisang katawan ang dalawa. Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” Nang nasa bahay na sila, tinanong siyang muli ng mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Kung may lalaking magpaalis sa kanyang asawa at saka magpakasal sa iba, nakiapid siya. At kung ang babae naman ang magpaalis sa lalaki at magpakasal sa iba, nakikiapid din siya.
Pagninilay:
Ano ang iyong relationship status? Marahil sasabihin ng karamihan, complicated. Hindi ba parang kabalintunaan, na sa panahon ng social media, kung kailan mas mabilis na ang komunikasyon at koneksyon, doon pa mas naging kumplikado ang ating mga relasyon. Maraming nauusong termino ngayon lalo na sa mga kabataan. Nariyan ang ghosting, ang situationship at ang iba pang tawag sa walang linaw na relasyon. Sana hindi ito senyales ng ating humihinang paniniwala sa salitang commitment. Sa ating Ebanghelyo, narinig muli natin ang mainit na usapin ng diborsyo. Alam natin na kumplikado ito. Bawa’t isa sa atin ay may dahilan kung bakit gusto o ayaw natin dito. Kinikillala natin na may mga pamilyang mahirap at masalimuot ang sitwasyon. May mga relasyon na hindi na mabubuo pang muli o mas mabuti na may distansya muna. Subalit ipinapaalala sa atin ni Hesus na noon pa man ninais na ng Panginoon na ang pagsasama ng mag-asawa ay maging simbolo ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Ito’y tapat at hindi nagbabago kailanman. Isang pagsasama na nagbubuklod sa pagkakaisa ng dalawang tao. Tila isang misteryo na nagaganap sa paglago sa pagmamahalan at pagbibigayan ng sarili sa bawat isa. At ito rin ang hinihingi ng Panginoon mula sa atin: isang tapat at hindi nagbabagong katapatan lalo na sa kanyang mga alagad. Isang paglago sa pagmamahal at kapayakan ng puso tulad ng isang bata. Marami na ang kumplikadong relasyon sa ating paligid. Subalit huwag nawang maging tulad nito ang ating relasyon sa Diyos.
Panalangin:
Panginoon, bigyan mo kami ng kapayakan ng puso. Isang pusong tumatalima at kumakapit lamang sa iyo. Nawa’y patuloy kaming lumago sa pagmamahal sa iyo bilang tugon sa tapat at di nagbabagong pagmamahal mo sa amin. Amen!