Daughters of Saint Paul

Oktubre 7, 2016 BIYERNES Ika-27 na Linggo ng Karaniwang Panahon / Mahal na Birhen ng Rosaryo

Lk 11:15-26

Nang nakapagpalayas si Jesus ng demonyo, sinabi ng ilan sa mga tao. “Pinapalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.”  Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa langit.

            Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinasabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambayanan.  Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian?  Hindi nga ba’t sinasabi n’yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul?  Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ng mga ito?  Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo.

            Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.  Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang Palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari.  Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian.

            “Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.”

            Kapag lumabas sa tao ang maruming espiritu, nagpapalabuy-laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan.  Pero wala siyang natatagpuan at sinasabi niya:  'Babalik ako sa inalisan kong tirahan.'  Pagdating niya, natatagpuan niya ito na nawalisan na at maayos pa.  Kaya naghahanap siya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa kanya; pumapasok ang mga ito at doon tumitira.  Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taong iyon kaysa dati.

REFLECTION

Mga kapatid, nakapagtataka na magpahanggang ngayon may mga taong pa ring hindi makatanggap kay Jesus bilang Anak ng Diyos, bilang Mesiyas na isinugo ng Ama para sa ating kaligtasan.  Katulad na lamang ng bansang Israel na magpahanggang ngayon naghihintay pa rin sa pagdating ng Mesiyas.  Kung ang mga demonyo nga, umaamin at kinikilala si Jesus bilang Anak ng Diyos na buhay – bakit kaya ang mga taong nakakita ng kababalaghang ginawa Niya, nagdududa pa rin sa Kanyang kapangyarihan?  Marahil inggit ang nagbunsod sa kanila para hindi paniwalaan si Jesus. Alam ni Jesus na wala siyang dapat patunayan sa kanila dahil hindi rin naman sila maniniwala. Alam niya ring nababalot ang mga tao sa paligid niya ng pagmamataas at poot.  Mga kapatid, sa ating pang-araw-araw na buhay minsan nakararanas din tayo ng mga pagtakwil o hindi pagtanggap sa kabutihang ating nagawa. Sa halip na papuri, pagtuligsa at kritisismo pa ang napala natin mula sa ilan. Sa ganitong pagkakataon, titigil na ba tayo sa paggawa ng mabuti? Panghihinaan na ba tayo ng loob dahil sa mga negatibong reaksiyong natanggap natin? Kapatid, hinahamon tayo ng Panginoon ngayong isulong ang paggawa ng mabuti sa kabila ng mga negatibong reaksiyon o kawalan ng pagpapahalaga mula sa ating kapwa.  Dahil ang Diyos na nakakikita sa mabubuti nating gawain ang Siyang gagantimpala sa atin.