EBANGHELYO: LUCAS 10:25-37
May tumindig na isang guro nang Batas upang subukin si Jesus. Sinabi niya: “Guro, ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?” “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiitindihan?” “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Ngunit gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Jesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya si Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. Ngunit may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kaya’t lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa kanyang sarili hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbalik ko.’” At sinabi ni Jesus: “Sa palagay mo sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya ni Jesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”
PAGNINILAY:
Pag-ibig ng Diyos at personal na karanasan ng kanyang walang sukatang pag-ibig, ang nagturo sa akin kung paano iibigin ang aking kapwa. Dahil ang sukatan ng pag-ibig ay pag-ibig na din. Mahalaga na mahawakan natin ang pag-ibig ng Diyos, upang magkaroon tayo ng kakayahan sa lahat ng bagay. Sa pag-ibig, may panahong laan para sa minamahal, sakripisyo, pagbabahagi ng yaman, pang-unawa. Sa madaling salita, ang tunay na nagmamahal ay lumilimot sa kanyang sarili alang- alang sa kanyang minamahal. Ibig sabihin, ang prioridad mo at focus ay ang ikabubuti ng iyong minamahal. Isinabuhay ito ng Samaritano na nagpakita ng habag sa kanyang kapwa. Tayo po kaya, paano natin ibabahagi ang pag-ibig sa ating puso? Paano po tayo tumutulong sa kapwa nating nangangailangan? Ang pagtulong ay gawaing mabuti at maka Diyos. Sa ganitong paraan inilalarawan natin ang mukha ng Diyos sa ating kapwa. (Sr. Edith Ledda, fsp)
PANALANGIN:
Panginoong Jesus, hubugin mo po ang aming mga puso upang maging mahabagin sa aming kapwa. Padaluyin mo po ang iyong biyaya sa pamamagitan ng aming mabubuting gawa. Amen.