Ebanghelyo: Lucas 10,25-37
May tumindig na isang guro nang Batas upang subukin si Hesus. “Guro, ano ang aking gagawin upang makamit ang buhay na walang hanggan?” “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiitindihan?” “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Ngunit gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Hesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya si Hesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. Ngunit may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kaya’t lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa kanyang sariling hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbabalik ko.’” At sinabi ni Hesus: “Sa palagay mo sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya sinabi ni Hesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”
Pagninilay:
Nang tinanong ng eskriba si Hesus kung “sino naman ang aking kapwa?” sinagot siya ng talinhaga ng Mabuting Samaritano. Malinaw na ipinapahayag na ang “kapwa” ay hindi lamang tumutukoy sa kaibigan, o sa sinumang meron tayong close relationship. Maaaring tumukoy ang “kapwa” sa sinumang tao, siya man ay kaibigan o kaaway.
Ang mukha ni Hesus ay nakaukit sa katauhan ng bawat nilalang. Anumang bagay na ginawa natin sa iba, mabuti man ito o masama, ay ginawa natin kay Jesus. Itinuturo sa atin ng talinhaga ng Mabuting Samaritano na tayong lahat ay kapitbahay sa isa’t isa, mga kapatid kay Cristo. Pero kakaiba ang nakikita nating kaugalian sa mundong natin. Lumilikha tayo ng division. Mahirap sa atin na i-set aside ang ating mga prejudices o pagkiling, we build walls instead of bridges. Nagiging dahilan ito ng pagkakawatak-watak, sa halip na magpatawad at magpahalaga sa isa’t isa. Maaari nating ipakita at isabuhay ang pagmamahal at paglilingkod sa kapwa sa maraming paraan. Ngayon na maraming kalamidad sa ating bayan, lahat ng nangangailangan ng ating tulong ay ating kapitbahay, malapit man sila o malayo, kilala man natin o hindi. Ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ng Our Lady of the Most Holy Rosary. Sa ating pagdarasal ng Santo Rosaryo, hilingin natin sa ating Mahal na Ina na pagkalooban tayo ng pusong maawain at mapagmahal sa kapwa. Ipagdasal din natin na manatiling bukas ang ating puso sa pagtulong sa ating kapwa na nangangailangan ng kalinga at pagmamahal.