Daughters of Saint Paul

Pebrero 1, 2017 MIYERKULES Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon / San Severo

 

Heb 12:4-7, 11-15 – Slm 103 – Mk 6:1-6

Mk 6:1-6

Pumunta si Jesus sa kanyang bayan kasama ang kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi:  “Ano't nangyari sa kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanyang mga kamay? Di ba't siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon, at Judas? Di ba't narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?”  At bulag sila tungkol sa kanya.

            Sinabi naman sa kanila ni Jesus:  “Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang Propeta.”  At wala siyang ginawang himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pagpapatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.

PAGNINILAY

Kapatid, natutuwa ka ba kapag nakikita mong umuunlad o nagtatagumpay ang isa sa iyong kababayan, kaibigan o kamag-anak?  Kinikilala mo ba ang kanyang angking galing, at nakikisaya dahil sa kanyang tinamong tagumpay?  Kung “Oo” ang sagot mo, magpasalamat ka sa Diyos dahil pinagkalooban ka ng pusong marunong kumilala sa kakayahan ng iba.  Kung “hindi” naman ang sagot mo, suriin ang mo ang iyong sarili, dahil baka inggit ang namamayani sa iyong puso, kung bakit hindi ka natutuwa sa tagumpay ng iyong kapwa.  Ito ang karanasan ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyong ating narinig.  Kaya’t sinabi Niya, na “Sa Kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.”  At namangha Siya sa kawalan nila ng pananampalataya.  Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon na huwag maiinggit sa tinamong tagumpay ng ating kapwa.  Sa halip, makigalak at magpasalamat tayo sa Diyos dahil meron tayong kakilala, kamag-anak o kaibigan na naging matagumpay sa anumang aspeto ng buhay – espiritwal na pag-unlad man, materyal, promosyon sa trabaho, popularidad at iba pa.  Sa halip na kainggitan sila, alamin natin ang sekreto ng kanilang tagumpay.  At kung ito’y natamo sa paraang matuwid at kalugod-lugod sa Diyos – tularan natin sila, at gawing inspirasyon ang kanilang pagsisikap nang tayo din umunlad ng paunti-unti katulad nila. Panginoon, turuan Mo po akong magalak sa tagumpay ng aking kapwa.  Amen.