Daughters of Saint Paul

PEBRERO 1, 2020 – SABADO SA IKATLONG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 4:35-41

Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaroon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at balewala sa iyo?”

Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tumahimik, huwag kumibo.”Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot ninyo! Bakit? Wala pa ba kayong paniwala?”Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”

PAGNINILAY:

Mga kapatid, gaano ka ba katatag sa pagharap sa mga suliranin sa buhay?  Ang unos, bagyo, malalaking alon at malakas na hangin na narinig natin sa Ebanghelyo ngayon, kumakatawan sa mga problema at pagsubok na pinagdadaanan natin sa buhay. Maaaring ito ay malubhang sakit, problemang pinansyal, problema sa trabaho, problema sa relasyon ng mag-asawa, hindi pagkakaintindihan sa loob ng tahanan, problema sa anak na nagpapasaway, at marami pang iba.  Ang tanong? Paano mo ba hinaharap ang mga suliraning ito?  Hinaharap mo ba itong mag-isa?  O hinaharap mo ito kasama ang Diyos?  Sa narinig nating Ebanghelyo, labis na natakot ang mga alagad sa gitna ng unos na nararanasan, kaya ginising nila si Hesus, “Guro, halos mamamatay na tayo at balewala sa iyo!”  Nasabi mo rin ba yan sa Panginoon?  Panginoon, lugmok na ako sa kawalan ng pag-asa, depress na depress na ako, at balewala lang sayo?”  Wala din tayong kinaiba sa mga alagad na natakot sa gitna ng unos. Nakalimutan nila at natin na kasa-kasama natin ang Panginoon sa araw-araw na paglalakbay sa buhay. Kailangan lamang nating manalig nang lubos, at ipagkatiwala sa kamay ng Diyos ang mga suliraning hindi na natin kayang pasanin at malagpasan. Mga kapanalig, hinding-hindi natutulog ang Diyos. At hinding-hindi Niya tayo susubukin nang higit sa ating makakaya. Nababatid Niya ang mga pinagdadaanan nating pagsubok sa buhay. Bago pa man tayo manalangin, nalalaman na Niya ang nadudurog nating puso dala ng mga problemang kinakaharap natin.  Sa araw na ito, manalangin tayo ng taimtim, at ilagay natin sa kamay ng Diyos ang lahat ng mga suliraning nagpapabigat sa ating kalooban. Amen.