Daughters of Saint Paul

PEBRERO 1, 2021 – LUNES SA IKAAPAT NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 5:1-20

Dumating si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng mga taga-Gerasa sa kabilang ibayo, at pag-alis niya sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. Sa mga puntod siya nakatira at di siya maigapos kahit na ng mga kadena. Madalas nga siyang ikinakadena at ipinuposas ang mga paa ngunit nilalagot niya ang mga kadena at sinisira ang mga posas sa paa kaya walang makasupil sa kanya. Nasa kaburulan siya araw gabi, sa mga libingan. Nagsisisigaw siya at sinasaktan ang sarili sa mga bato. Pagkakita nito kay Jesus sa malayo, patakbo itong lumapit at nagpatirapa sa harap niya at sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa akin Jesus na Anak ng Diyos? Hinihiling ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na huwag mo akong pahirapan. Hukbo nga ako marami kasi kami.” At hiningi niya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon. Maraming baboy na nanginginain doon sa burol. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: ”Ipadala mo kami sa mga baboy at papasok kami sa mga iyon.” At pinahintulutan sila ni Jesus. Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy; at nahulog sa bangin ang mga baboy papuntang dagat at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. At ipinamalita nila ang lahat sa bayan at sa mga bukid. Naglabasan ang mga tao upang alamin ang nangyari. Kaya pinuntahan ng mga ito si Jesus at nakita nila ang dating inaalihan ng demonyo na nakaupo at nakadamit, matino na siya na sinapian ng hukbo. Kaya natakot sila. Ibinalita naman sa kanila ng nakakita kung ano ang nangyari sa inalihan ng demonyo at pati sa mga baboy. Kaya’t hiniling nila kay Jesus na umalis sa kanilang lupain. Pagsakay ni Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang inalihan ng demonyo na isama siya. Ngunit hindi siya pinayagan ni Jesus, kundi sinabi niya: ”Umuwi ka sa iyong mga kamag-anak at ipamalita sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at ang pagkahabag niya sa iyo. ”Kaya umalis ang tao, at sinimulang ipahayag sa buong lupain ng Decapolis ang lahat ng ginawa sa kanya ni Jesus, at namangha ang lahat.

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, tumapak si Jesus sa teritoryo ng mga pagano sa unang pagkakataon. Para sa mga Judio, kilala ang mga pagano bilang mga taong hindi nakakikilala sa tunay na Diyos. Sumasamba sila sa mga diyus-diyosan. Sa mundo natin ngayon, marami ang nasa ganitong estado ng pamumuhay – hindi nakakikilala sa tunay na Diyos. Kung kaya’t napadadala sila sa iba’t ibang klase ng diyus-diyosan – katulad ng kapangyarihan, kayamanan, katanyagan, at iba pang mga makamundong pinahahalagahan. At gagawin nila ang lahat para makamtan ang mga ito, kahit sa maling pamamaraan.  Mga kapatid, ang kundisyon ng lalaking inaalihan ng demonyo ay maituturing na simbolikong paglalarawan ng uri ng buhay, na taliwas sa kalooban ng tunay na Diyos. Ito ang uri ng buhay na pinamamahalaan ng maraming idolo o diyus-diyosan.  At ang sinumang inaalihan ng mga diyus-diyosang ito ay walang direksyon ang buhay, tuliro ang isip at kalooban, sinisira ang sarili sa bisyo at masasamang gawain, at tunay na pahirap sa ibang tao.  At tanging ang Panginoong Jesus lamang ang makapagpalaya sa sinumang tao na nasa ganitong estado ng pagka-alipin.  Anong klaseng diyus-diyosan ang umaalipin sa’yo?