BAGONG UMAGA
Mapagpalang unang araw ng buwan ng PEBRERO kapatid kay Kristo. Ang buwan ng mga puso. Ang Buwan na nag-aanyaya sa atin na mamuhay sa pagmamahal/ sa Diyos nang higit sa lahat, at sa ating kapwa, gaya ng sarili. Ito ang pinakalayunin ng buhay natin dito sa mundo – ang mamuhay sa pagmamahal, at maging daluyan ng pagmamahal ng Diyos sa kasalukuyang mundo. Hilingin natin sa Panginoon na turuan tayo at tulungang magmahal, lalo na sa mga taong mahirap mahalin. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang mandato ng Panginoong Hesus sa mga alagad, na isinugo Niya upang mag misyon, sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata anim, talata pito hanggang labing-tatlo.
EBANGHELYO: Mk 6:7-13
Tinawag ni Hesus ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at isang damit lang. At sinabi niya sa kanila: ”Pagtuloy n’yo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis n’yo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.” At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring may-sakit ang pinagaling nila sa pagpapahid ng langis.
PAGNINILAY
Sa narinig nating Ebanghelyo, marahil sasabihin ninyo, tila hindi naman yata praktikal ang tagubilin ng Panginoong Hesus sa labindalawang alagad. Biruin mo, susugod ka sa misyon nang walang dalang anuman, maliban sa tungkod. Siguro noong kapanahunan ng Panginoon, pupwede pa ang kalakarang ito. Pero sa panahon natin ngayon, na mahirap ang buhay, parang mag-aalinlangan tayong humayo at maglakbay, nang walang dalang sapat na damit at pera, para tugunan ang ating pangangailangan. Ibig bang sabihin nito, hindi na angkop sa panahon natin ngayon ang mensahe ng Ebanghelyo? Hindi naman sa ganun. Sa katunayan, isang malaking hamon ito sa atin na lumago sa pagtitiwala sa kagandahang loob ng Diyos. Marahil nais lamang ipaalala ng Panginoon, na sa pagsagawa ng Kanyang misyon, huwag matuon ang pansin ng kanyang mga alagad sa mga panlabas na paghahanda. Kundi, mas bigyang pansin ang espiritwal na paghahanda, ang paghahanda ng puso, isip at buong pagkatao, upang maging marapat na tagapagdala ng Mabuting Balita. Nais di ng Panginoon na taglayin ng Kanyang mga misyonero – ang pagiging simple, at mababang-loob. Mga kapatid, hindi lamang patungkol sa mga pari, madre at mga laykong misyonero ang panawagang ito. Patungkol din ito sa lahat ng mga binyagang Kristiyano. Tayong lahat ay mga misyonero – na inatasan ng Panginoong Hesus na maging buhay na saksi ng Kanyang paghahari sa kasalukuyang panahon, sa paraan ng ating pamumuhay. Sikapin nawa nating mamuhay sa kabanalan at pagmamahal – dahil baka tayo mismo, ang Bibliya, na binabasa ng mga taong nakapaligid sa atin. Amen.