Daughters of Saint Paul

Pebrero 1, 2025 – Sabado ng Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Ebanghelyo: MARCOS 4,35-41

Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaroon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at balewala sa iyo?” Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tumahimik, huwag kumibo.”Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot ninyo! Bakit? Wala pa ba kayong paniwala?” Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”

Pagninilay:

Sunud-sunod ang mga natural na kalamidad na nangyayari sa buong mundo. Bagyo at pagbaha dito sa atin, lindol sa Japan at Tibet, at kamakailan ang wildfires sa Los Angeles, California. Napakalaking trahedya ang mga ito dahil maraming tao ang pumanaw, nawalan ng bahay, nasira ang mga ari-arian at kalikasan, gumuho ang kinabukasan. Hindi ba epekto na rin ito ng kapabayaan natin at hindi pangangalaga sa kalikasan? May mga nagsasabing parusa raw ito ng Diyos dahil masyado nang makasalanan ang tao. Ganito rin ba ang pagkilala mo sa Panginoon? Na mapaghiganti siya at malupit magparusa? Na wala siyang pakialam kung magdusa tayo, at balewala tayo sa kanya?

/Kapanalig, sa Mabuting balita ngayon narinig natin na kasama ng mga alagad si Hesus sa bangka habang ito’y hinahagupit ng alon at hangin. Tulog si Jesus pero kasama nila siya. At nang siya’y ginising nila, pinatahimik niya ang lahat sa pama-magitan ng kanyang salita. Pagkatapos ay bumaling siya sa kanyang mga alagad at nagtanong: “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?”

Sa Lumang Tipan ay nakilala ng ating mga ninuno ang Diyos sa kanyang pangangalaga at pagtutuwid sa kanilang pagkakamali sa pamamagitan ng parusa. Nang dumating ang Panginoong Jesukristo, ipinakita niya ang mukha ng Diyos – isang Amang mahabagin at mapagmalasakit; mabagal magalit at mayaman sa kabaitan. Buong pasensiya siyang naghihintay sa ating pagbabalik-loob, at patakbo niyang sinasalubong ang kanyang mga alibughang anak. Hindi nagbabago ang pagmamahal ng Diyos sa atin, at kahit kailan ay hindi niya tayo pinababayaan. Hinihintay niya lang na tumawag tayo sa kanya nang may pananalig sa gitna ng mga bagyong pinagdadaanan natin. At tulad ng mga alagad, matatagpuan nating siya ay Emmanuel – ang Diyos na kasama natin tuwina.

Manalangin tayo: Panginoon, huwag n’yo pong itulot na magpadala kami sa takot na harapin ang mga pagsubok ng buhay. Bagkus ay manalig nawa kami sa iyong makapangyarihang pag-aaruga at pagmamalasakit sa amin. Amen.