Daughters of Saint Paul

PEBRERO 10, 2020 – LUNES SA IKALIMANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 6:53:56

Pagkatawid ni Jesus at ng kanyang mga alagad, dumating sila sa pampang ng Genesaret at doon nila isinadsad ang bangka. Paglunsad nila ng bangka, nakilala si Jesus ng mga tagaroon at patakbo nilang ipinamalita sa lupaing iyon. Kaya dinala nila ang mga maysakit na nasa higaan kung saan nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya lumakad, sa mga nayon man o sa bayan o sa bukid, inilalagay nila sa mga liwasan ang mga maysakit at nakikiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Cleric Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Sikat ka ba? Kilala ka ba sa bayan? Kilabot, head turner, Lider o tinitingala at sinusundan? Narinig natin sa ebanghelyo na kung nasaan si Hesus, sinusundan siya ng napakaraming tao, dinadala ng mga tao ang mga may karamdaman upang mapagaling niya. SIKAT si Hesus, tila isang artista na pinag-uunahan ng mga tao upang makita, malapitan, mahawakan kahit ang laylayan ng kanyang damit upang gumaling. Hindi pa man nakapapahinga at kadadaong pa lamang ng kanilang bangka biglang heto na ang maraming tao buhat sa iba’t ibang bayan. Minsan itinatanong ko sa aking sarili, “Hindi kaya napapagod si Hesus sa dami nila?” Marahil kung sa ibang sikat na tao pa, susuko sila kaagad, aayaw na, matapos kamayan ang maraming tao, mag-aalcohol pagdating sa sasakyan kung wala nang nakakikita. “Sikat ako, kilala akong tao, ako ang nakatataas, ako ang lider, ako ang dapat pagsilbihan.” Pero, ibahin natin si Hesus, iba ang kanyang pagiging Sikat, ang puso ng Mabuting Pastol ay laging handang magbigay, mag-alay ng sarili. Sabi pa nga sa ebanghelyo, gumaling ang lahat ng humawak sa laylayan ng kanyang damit, uulitin ko, Lahat. SIKAT si Hesus dahil dala Niya ang Tunay na Liwanag, Siya ang Liwanag ng Mundo, ang Lunas sa lahat ng karamdaman; Siya ang Liwanag na pumapawi sa lahat ng kadiliman. Ibinahagi ni Hesus ang kanyang sarili sa lahat, pagmamahal na walang kapalit, nagdadala sa Lahat ng kaginhawahan, kapatawaran, kagalakan at kapayapaan. Sikat ka ba? Tulad ni Hesus, dalhin mo ang liwanag ng katotohanan, kagalakan at kapayapaan sa iba. Humayo ka, magningning tulad ng isang bituin. Bituing dala ang Mabuting Balita ng Diyos sa lahat!