Daughters of Saint Paul

PEBRERO 10, 2021 – MIYERKULES SA IKALIMANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 7:14-23

Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: “Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat. Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya. Makinig ang mga may tainga.” Pagkalayo ni Jesus sa mga tao, nang nasa bahay na siya, tinanong siya ng mga alagad tungkol sa talinhagang ito. At sinabi niya: “Wala rin ba kayong pang-unawa?  Hindi n’yo ba nauunawaan na sa bituka pumupunta ang anumang pumapasok mula sa labas? Sapagkat hindi sa puso ito pumapasok kundi sa tiyan at pagkatapos ay itinatapon sa labas. Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. Sa puso nga ng tao nagmumula ang masamang hangarin: kahalayan, pagnanakaw, pagpatay sa kapwa, pakikiapid, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira, kapalaluan, kabuktutan. Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Lucia Olalia ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. Narinig nating sinabi ni Hesus: “Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat.Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya, kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya.” Sa madaling salita, para na ring sinasabi ni Hesus na pwedeng  kainin ang lahat ng pagkain, liban lang kung makakasama ito sa iyong  kalusugan.  Ang tinutukoy ni Hesus na tunay na nakakapagparumi sa tao, ay ang pumapasok at lumalabas mula sa ating mga puso. Halimbawa ay tsismis, inggit, kahalayan, pag iimbot… Ang tsismis na ating narinig at pagkatapos ay sinabi sa iba (kahit pa madalas ay sinasabihan natin na “atin-atin lamang”). Ang paninirang puri sa taong pinag-uusapan, lalo na kung ito ay tulak ng ating nararamdamang selos, inggit, lihim na galit, at iba pang mahahalay na iniisip ay kabilang na rin sa mga nabanggit. Hingin natin sa Diyos ang kaliwanagan ng isip at pagtitimpi, para malabanan natin ang ganitong udyok sa ating mga puso. Dahil ito ang tunay na nagpaparumi sa atin sa harap ng Diyos.