BAGONG UMAGA
Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo. Ika-sampu ngayon ng PEBRERO, ginugunita natin si Santa Escolastica na isang dalaga. Kakambal siya ni San Benito, at kapwa nila inilaan ang buhay sa ganap na paglilingkod sa Diyos bilang relihiyoso at relihiyosa. Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin hilingin nating maging daluyan ng biyaya at pagpapala ng Diyos, lalo’t higit sa mga nangangailangan. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Maririnig natin ang tagpo nang pagparami ni Hesus ng tinapay na pinakain sa apat na libong tao, sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata walo, talata isa hanggang sampu.
EBANGHELYO: Mark 8:1-10
Maraming tao ang sumama kay Hesus at wala silang makain. Kaya tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala nang makain at kung paalisin ko silang gutom, baka mahilo sila sa daan. Galing pa sa malayo ang ilan sa kanila.” Sumagot ang kanyang mga alagad: “At paano naman makakakuha ng tinapay at para sa pakainin sila sa ilang na ito?” Tinanong sila ni Hesus: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito.” Pinaupo ni Hesus sa lupa ang mga tao, kinuha ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad para ihain; at inihain nila ang mga ito sa mga tao. Meron din silang ilang isda. Binasbasan ito ni Hesus at iniutos na ihain din ang mga ito. Kumain sila nabusog at tinipon ang mga natirang pira-piraso-pitong bayong. Apat na libo ang naroon, at saka sila pinauwi ni Hesus. Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad upang pumunta sa lupain ng Dalmanuta.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. “Ako’y nahahabag sa mga taong ito sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at wala silang makain.” Nalalaman ni Hesus ang sitwasyon ng mga tao na sumusunod sa Kanya, kaya naman tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ilang tinapay mayroon kayo? At sumagot sila, “Pito” at mayroon din silang maliliit na mga isda. Batid natin na binasbasan ito ni Hesus, at lahat ng tao ay nabusog, at may lumabis pa na pitong bakol na puno. Sa Bibliya ang bilang na Pito o Seven ay perfect number. Sa aking pagninilay, sa lahat ng milagro na galing sa salita ni Hesus ay perfect. Lalo itong naging perfect dahil ang tinapay at isda na nagpa busog sa mga tao, ay galing sa mga alagad. Mga kapatid, ginagamit ng Panginoong Hesus ang ating mga kamay upang makatulong sa kapwa sa kasalukuyang panahon. Hayaan nating patuloy tayong gamitin ng Panginoon na maging daluyan ng Kanyang biyaya at pagpapala, lalo’t higit sa mga nangangailangan. Nawa ang biyayang ating natatanggap kay Hesus ay maging daan din upang maging biyaya din tayo para sa ating kapwa. Amen.