Gen 3:9-24 – Slm 90 – Mk 8:1-10
Mk 8:1-10
Maraming tao ang sumama kay Jesus at wala silang makain. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala nang makain at kung paalisin ko silang gutom, baka mahilo sila sa daan. Galing pa sa malayo ang ilan sa kanila.”
Sumagot ang kanyang mga alagad: “At paano naman makakakuha ng tinapay para sa pakainin sila sa ilang na ito?” Tinanong sila ni Jesus: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito.”
Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad para ihain; at inihain nila ang mga ito sa mga tao. Meron din silang ilang isda. Binasbasan ito ni Jesus at iniutos na ihain din ang mga ito.
Kumain sila at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso—pitong bayong. Apat na libo ang naroon, at saka sila pinauwi ni Jesus. Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta sa lupain ng Dalmanuta.
PAGNINILAY
Ang ebanghelyong narinig natin, katulad din sa unang himalang ginawa ni Jesus na pagpaparami ng tinapay. Doon, ibinigay ni Jesus ang mga tinapay sa Kanyang mga alagad, upang ibigay din nila ito sa ibang tao. Sa ginawang ito ni Jesus, Ipinakikita ang magiging papel ng Kanyang mga alagad sa pagtupad ng Kanyang misyon. Sila ang magpapatuloy ng Kanyang gawain, kapag bumalik na Siya sa Ama sa Langit. Pero, bago matupad ito, kailangan munang matutunan nila kay Jesus ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ano ang mga kinakailangang gawin upang maging karapat-dapat pumasok doon? Sila ang magiging saksi ni Jesus, magpapatotoo sa Kanyang mga gagawing himala, pagpapagaling, at pangangaral sa mga taong sumusunod sa Kanya na parang mga tupang walang pastol. Mga kapatid, bilang mga Kristiyano tayo’y nakikibahagi din sa misyong ito ng mga alagad. May tungkulin tayong isulong ang paghahari ng Diyos dito sa lupa sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa. Sa sakramento ng binyag at kumpil, lahat tayo tumanggap ng Banal na Espiritu na Siyang magpapalakas sa atin upang makagawa ng mabuti, at mamuhay nang naaayon sa kalooban ng Diyos. Panginoon, puspusin Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang maging marapat akong daluyan ng Iyong biyaya at pagpapala para sa aking kapwa. Amen.