MARCOS 1:40-45
Lumapit kay Jesus ang isang may ketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Nahabag si Jesus sa kanya, iniulat ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya. Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni moises upang magkaroon sila ng patunay.” Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, Hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong ating narinig nahabag ang Panginoong Jesus sa lalaking ketongin na nagmakaawang pagalingin siya. Hindi inalintana ng Panginoon ang nakakadiring kalagayan ng lalaki; iniunat Niya ang Kanyang kamay, hinipo siya at pinagaling. Sa ginawang ito ng Panginoon, Siya naman ang itinuring ng mga taong nakasaksi sa himala na “marumi.” Mga kapanalig, ganito talaga ang naging panuntunan ng buhay ni Jesus nang magsimula Siyang mangaral sa Galilea: inaabot Niya ang mga makasalanan at binibigyan Niya sila ng pag-asa upang makapagbagong-buhay. Pinakinggan Niya ang mga kuwento ng mga taong inaalimura ng lipunan tulad ng mga kolektor ng buwis, mga publikano, ang babaeng nahuling nakikiapid, at iba pang mga kilalang makasalanan. Hindi sila pinandirihan ni Jesus, sa halip inakay sila pabalik sa Ama. Sa panahon natin ngayon sino kaya ang “ketongin” sa ating paligid? Sino ang taong hindi natin tinatanggap o iniiwasan natin dahil minsan o ilang ulit na nila tayong nasaktan? Hindi kaya nagiging “ketongin” na rin tayo dahil sa pagmamatigas ng ating puso? Magkaroon nawa tayo ng karunungang makilala ang tunay nating sarili tulad ng ketongin sa Ebanghelyo. Sa harap ni Jesus na napakabanal, nanikluhod ang ketongin at nagmakaawa. Ito ang kanyang paraan ng pag-amin na kailangan niya ng tulong ng Diyos. Manalangin tayo. Panginoon, taos-puso po akong nagmamakaawa na pagalingin ako sa ugali kong mapanhusga. Iunat Mo po sa akin ang Iyong mapagpagaling na kamay at linisin ako sa mga kasalanang umaalipin at nagpaparumi sa akin. Amen.