Daughters of Saint Paul

PEBRERO 11, 2020 – MARTES SA IKALIMANG LINGGO NG TAON | Mahal na Birhen ng Lourdes

EBANGHELYO: MARCOS 7:1-13

Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem. Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya nang may maruming kamay, na hindi naghuhugas ayon sa seremonya. …Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas:”Bakit hindi isinasabuhay ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? “Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain.”At sinabi sa kanila ni Jesus:”Tama ang propesiya ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagkunwari. Nasusulat na ‘Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang labi, at malayo naman  sa akin ang kanilang mga puso. Walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.’ “Pinabayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao.” “Mahusay na pinawawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos para tuparin ang inyong tradisyon. Sinabi nga ni Moises: ‘Igalang mo ang iyong ama at ina,’ at ‘patayin ang sinumang susumpa sa kanyang ama o ina.’ Ngunit sinasabi n’yo na kung may magsasabi sa kanyang ama o ina, ‘Inialay na ang puwede kong itulong sa inyo,’ wala na siyang magagawang anuman—ayon sa palagay ninyo—para sa kanyang ama at ina. Kaya pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa tulong ng sarili n’yong tradisyon. At marami pa ang mga ginagawa ninyong ganito.”              

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Ikaw ba ang taong mahilig magkumpara ng sarili sa iba? Sa pagnanais ng mga Pariseo at Iskriba na maging kalugod-lugod sa mata ng Diyos, madalas nilang ikinukumpara ang kanilang gawain—na naaayon sa tradisyon—sa mga ginagawa ng mga alagad ng ating Panginoon. Pero, ayon kay Hesus, ito’y mapagkunwaring pamamaraan at mapagmalaking pag-uugali. Mga kapanalig, nakikita ng Diyos ang nilalaman ng ating puso. Magiging kalugod-lugod lamang tayo sa Kanya kung meron tayong mabuting kalooban at dalisay ang ating intensyon. Sa madaling salita, gumagawa tayo ng kabutihan, hindi  para itaas ang sarili o lamangan ang kapwa. Ginagawa natin ito na may respeto, pagmamahal at para lumalim pa lalo ang ating ugnayan sa Diyos.

PANALANGIN:

O Diyos turuan mo kami na maging totoo at maging mapagpakumbaba sa lahat ng aming ginagawa, nang sa gayo’y tunay kaming magiging kalugod-lugod sa ‘Yo. Amen.