EBANGHELYO: Mk 7:24-30
Lumayo si Jesus patungo sa hangganan ng Tiro. Pumasok siya roon sa isang bahay at kahit na ayaw niya itong malaman ninuman, hindi ito nalihim. May isang babaeng nakabalita tungkol sa kanya. Inaalihan ng maruming espiritu ang kanyang dalagita kaya pumunta siya at nagpatirapa sa kanyang paanan. Isa siyang paganong taga-Sirofenicia. At ipinakiusap niya kay Jesus na palayasin ang demonyo sa kanyang anak. Sinabi naman niya sa kanya: “Bayaan mo munang mabusog ang mga anak. Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Sumagot ang babae: “Totoo nga Ginoo, pero kinakain ng mga tuta sa ilalim ng mesa ang mga nalalaglag mula sa mga bata.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil sa sinabi mong ito, lumabas na sa iyong anak na babae ang demonyo.” Kaya umuwi na ang babae at nakita niya ang bata na nakahiga sa kama; “Lumabas na nga ang demonyo”.
PAGNINILAY
Isinulat ni Marissa Manigbas ng Institute of our Lady of Annunciation ang pagninilay sa ebanghelyo. Bilang isang social worker, maraming beses na akong nakakita ng mga ina na humihingi ng tulong para sa kanilang mga anak na may sakit. Nariyan na ang hindi sila umaalis sa pila kahit anung haba nito at matiyaga silang naghihintay para sa tulong na kanilang hinihingi para sa kanilang anak. Marami sa kanila ay hind iniinda ang init at gutom makamtan lang ang tulong para sa may sakit na anak. Sa ating Ebanghelyo, na encounter ni Hesus ang isang ina na humihingi ng awa sa kanya para sa kanyang anak na inaalihan ng masamang espiritu. Bagamat hindi sya kalahi ni Hesus, alam ng babae kung sino si Hesus at alam nya na hindi sya matatanggihan nito. Kaya lahat ng paraan, kahit itinuring pa s’yang isang tuta ay okey lang, alang-alang sa pinakamamahal na anak./ Humanga si Hesus sa pananalig ng babae, bagamat masasabing “outsider” sya, binigay ni Hesus ang kanyang hinihiling dahil sa masidhi niyang pananampalataya at disposisyon. Nakita din ni Hesus ang kanyang masidhing pagmamahal sa kanyang anak. Ngayon ay araw ng “Our Lady of Lourdes” kung saan nagpakita si Mama Mary kay St. Bernadette, na isang simpleng bata. Si Bernadette ay naging instrumento para maging daluyan ng pagpapagaling dahil sa kanyang masidhing pananampalataya. Hilingin natin sa Mahal na Ina na bigyan tayo ng masidhing pananampalataya katulad ng babaeng taga-Tiro at ni St. Bernadette. Amen