Daughters of Saint Paul

PEBRERO 11, 2022 – BIYERNES SA IKALIMANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON | Mahal na Birheng Maria ng Lourdes

Isang mapagpalang araw ng Biyernes mga kapatid kay Kristo! Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng Mahal na Birheng Maria ng Lourdes.  Ito po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul.Mag-alay tayo ng mga panalangin para sa lahat ng may karamdaman kasama ng ating Mahal na Birheng Maria ng Lourdes, na igawad ang kagalingang matagal nang inaasam-asam.Isama din natin ang ating mga kapatid na patuloy nanabiktima ng bagyong Odette.) May tiwala tayo sa kapangyarihan ng sama-samang pagdarasal at panibagong lakas na nagmumula sa pakikinig sa Salita ng Diyos. Pagnilayan natin ang  Mabuting Balita ayon kay San Marko kabanata pito, talata tatlumpu’t isa hanggang tatlumpu’t pito.  

EBANGHELYO: Mk 7:31-37

Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya roon ng isang bingi na halos hindi makapagsalita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay. Matapos siyang ihiwalay ni Jesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa Langit, nagbuntong hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi’y “Buksan.” Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid. Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: ”Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”

PAGNINILAY

Sa Mabuting Balita ngayon, mga kapanalig, ma papa-jump ka siguro sa tuwa kung makikita mong face-to-face ang pag-restore ng kakayanang makapagsalita ng pipi. Ganundin ang kakayanang makarinig ang bingi. Saan ito hinugot ni Jesus? Sabukal ng Kanyang Dakilang Awa.  Ngayong Araw ng pagdiriwang natin ng Mahal na Birhen ng Lourdes at araw-pananalangin para sa mga maysakit, pinaaalalahanan tayo ni Pope Francis magkawang gawa sa mga may karamdaman.  Ito ang tulong bunga ng awa. Ito ang pagpapatunay at pagpapadama sa winika ni Jesus na “Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain.” Sila ang nagkakaloob ng kanilang precious time para saklolohan ang mga may binabata na peligrosong karamdaman tulad ng Covid na may panibagong strains, ng bagong florona disease, ng cancer, ng malubhang sakit na hindi pa ma-diagnose. Na kapag bumigat ang puso ng kapwa, sila ang nagpapagaan.Kapag napuno ng takot, sila ang nagiging lakas ng loob. Naniniwala ako na ikaw, kapanalig, kaya mo ring salatin ang nangangatal na laman ni Kristo sa mga may karamdaman. Hindi man pisikal na pagdampi ng kamay o paghimas sa noo, ang presensya mo ang magsisilbing miracle oil sa matinding pinagdadaanan ng kapatid nating maysakit. Sa iyong mukha, maaaninag nila si Kristo, ang Diyos ng Awa.