BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon ng ating Liturhiya. Kapistahan din ngayon ng Mahal na Birhen ng Lourdes; at itinalagang araw ni St. John Paul II, bilang Pandaigdigang araw ng mga may sakit. Espesyal na araw nang pananalangin at pakikiisa sa mga kapatid nating may karamdaman. Pagbati po ng happy-happy birthday sa lahat ng nagdiriwang ng kaarawan ngayon. Pagpalain nawa kayo lagi ng ating Panginoon. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang buksan na natin ang ating puso at isip sa pagpapahayag ng Mabuting Balita, ayon kay San Markos kabanata isa, talata apatnapu hanggang apatnapu’t lima.
EBANGHELYO: Mk 1:40-45
Lumapit kay Hesus ang isang may ketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Nahabag si Hesus sa kanya, iniulat ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya. Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Hesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni moises upang magkaroon sila ng patunay.” Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, Hindi na lantarang makapasok sa bayan si Hesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Noon, kapag nagkukuwentuhan kaming magkakaibigan, ang madalas na pinag-uusapan (maliban sa Diyos) ay pagkain, magandang lugar at gawain sa bakasyon at marami pang iba. 51 years old na ako ngayon (bata pa rin kahit papaano), at may napansin ako. May nadagdag na topic sa kuwentuhan—efficacent oil, doctor, Iba’t ibang gamot at marami pang iba. Ganun yata talaga kapag tumatanda, nakakaramdam na ng iba’t ibang sakit. Haaay… Sa ating Ebanghelyo, narinig natin ang tungkol din sa isang sakit, ketong. Ayon sa aklat ng Leviticus (13:2), “Kung ang balat ninuman ay mamaga, magnana o kaya’y magkaroon ng parang singaw, at ang mga ito’y maging sakit sa balat na parang ketong, dapat siyang dalhin kay Aaron o sa mga anak niyang pari.” Ang epekto: tinuturing na magkaka-ketong ang mga may sakit sa balat tulad ng pimples, acne, eczema, psoriasis, an-an or buni. Naku, ang hirap naman noon!!! Parang pandemic lang: noon ang basta inubo at sinipon ay suspect na may covid!!! Sa panahon ni Hesus, kinatatakutan ang ketong! Kapag meron ka nito, ikaw ay ititiwalag, hinihiwalay at pinandidirihan! Ang paniniwala kasi, parusa ito na ipinataw ng Diyos sa tao dahil sa kanyang malaking kasalanan o sa kasalanan ng lahi nila. Ramdam ni Hesus ang abang kalagayan ng mga ketongin: yung pinandidirihan, mababa ang tingin at hindi tinatanggap sa lipunan. Kaya hindi nagdalawang isip si Hesus na pagalingin ang ketongin. Hindi lamang niya nilinis ang kanyang sugat kundi ang hilumin ang sakit na ibinigay ng Lipunan. Mahirap magkasakit. Pero mas mahirap kapag ikaw ay iniwan at nag-iisa. Ibahin mo ang Diyos. Kahit anong mangyari, hinding hindi tayo iiwan. Mapagmahal ang Diyos. Siya ang Emmanuel. Amen.