Daughters of Saint Paul

PEBRERO 12, 2020 – MIYERKULES SA IKALIMANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 7:14-23

Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: ”Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat. Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya. Makinig ang mga may tainga.”Pagkalayo ni Jesus sa mga tao, nang nasa bahay na siya, tinanong siya ng mga alagad tungkol sa talinhagang ito. At sinabi niya: ”Wala rin ba kayong pang-unawa?  Hindi n’yo ba nauunawaan na sa bituka pumupunta ang anumang pumapasok mula sa labas? Sapagkat hindi  sa puso ito pumapasok kundi sa tiyan at pagkatapos ay itinatapon sa labas.” “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. Sa puso nga ng tao nagmumula ang masasamang hangarin-kahalayan, pagnanakaw, pagpatay sa kapwa, pakikiapid, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira, kapalaluan, kabuktutan. Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sem. Enzo Bandillon 2ndyear regent ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa Ebanghelyong ating narinig, matindi ang paalala ng Panginoong Hesus na pagtuunan natin ng atensyon ang mga bagay na tunay na nagpaparumi sa atin.  Hindi ang mga pagkaing pumapasok sa bituka at inilalabas din.  Kundi ang mga bagay na lumalabas mula sa atin. Ang ating mga salita, gawa at saloobin na makikita sa ating karakter o pag-uugali. Dahil ito ang mga bagay na nanggagaling sa ating puso. Suriin natin ang ating puso sa gitna ng ginagalawan nating mundo na puno ng pagkamakasarili, pagkakanya-kanya at pagkakawatak-watak? May mga pagkakataon na kung sino pa ang mga nakakakilala at naglilingkod sa Diyos, siya pa ang pinagmumulan ng kaguluhan at pagkakasira-sira ng komunidad. Nag-uumpisa po ito sa panghihimasok sa buhay ng iba. Sa madaling salita, sa “chismis”. Mga kapatid, bantayan natin ang mga saloobin na iniingatan natin sa ating puso, dahil ito ang nagdidikta sa ating isip at pagkilos upang gumawa ng mabuti o masama sa kapwa. 

PANALANGIN:

Panginoon, pakalinisin Mo po ang aking puso at isip sa masasamang saloobin at hangarin, na makapagpapahamak sa aking kaluluwa at sa kapwa. Puspusin Mo po ito ng Iyong Banal na Espiritu nang makapagsaksi ako sa ebanghelyo.  Amen.