Isang pinagpalang araw ng Sabado mga ginigiliw kongKapanalig!Ito po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul.Purihin natin ang Diyos na nagbibigay sa atin ng panibagong lakas at pag-asa araw-araw. Binubusog Niya tayo hindi lamang para maging malusog sa ating pangangatawan kundi lalo na sa buhay espiritwal. Pakinggan natin sa Mabuting Balita ang himala ng pagpaparami ng tinapay. Ayon ito kay San Markos Kabanata walo, talata isa hanggang sampu.
EBANGHELYO: Mk 8:1-10
Maraming tao ang sumama kay Jesus at wala silang makain. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala nang makain at kung paalisin ko silang gutom, baka mahilo sila sa daan. Galing pa sa malayo ang ilan sa kanila.” Sumagot ang kanyang mga alagad: “At paano naman makakakuha ng tinapay at para sa pakainin sila sa ilang na ito?” Tinanong sila ni Jesus: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito.” Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad para ihain; at inihain nila ang mga ito sa mga tao. Meron din silang ilang isda. Binasbasan ito ni Jesus at iniutos na ihain din ang mga ito. Kumain sila nabusog at tinipon ang mga natirang pira-piraso-pitong bayong. Apat na libo ang naroon, at saka sila pinauwi ni Jesus. Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad upang pumunta sa lupain ng Dalmanuta.
PAGNINILAY
Naranasan mo na ba sa buhay ang kapusin? Kapusin ng pagkain, oras, pera?Kapusin ng suporta, kalinga’t pagmamahal?Ano ang iyong naging tugon? Dumalangin ka ba ng taimtim sa Diyos upang ika’y mapunan? Ipinamalas ng Diyos ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpaparami niya ng tinapay. Sumamba ang marami at naniwala sa kanya, kaya nama’y napunan sila. Ang daan sa ating kaligtasan ay walang iba kundi ang ating taus-pusong pananampalataya sa kanya. Gayunpaman, hindi tayo natatapos sa pananampalataya. Bilang mga tagasunod ni Hesus, habang tayo’y napunan niya, ang misyon natin ay punan din ang iba. Mga kapanalig, ito ang nais sa atin ipabatid ng Ebanghelyo: Hindi tayo matitiis ng Diyos. Alam niya ang ating mga pangangailangan.Hindi niya tayo pababayaan. Kaya naman ito rin ang hamon sa atin: Kaya mo rin bang matiis ang kapwa? Kaya mo bang balewalain ang kanilang pangangailangan? Kaya mo bang pabayaan sila? Habang palapit tayo sa araw ng mga puso. Maging busy sana tayo na punan ang bawat isa ng pagmamahal—katulad ng ginawa ni Hesus: Binusog niya tayo ng pagmamahal ng Diyos. Amen.