Daughters of Saint Paul

PEBRERO 12, 2024–  Lunes sa Ikaanim na Linggo ng Karaniwang Panahon | San Melecio ng Antioquia

BAGONG UMAGA

Isang mabiyaya at puno ng pag-asang araw ng Lunes kapatid kay Kristo!  Purihin natin ang Panginoong Hesus, ang pinakadakilang tanda ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan! Hindi Siya nag-alinlangang ialay ang buong buhay alang-alang sa ating kaligtasan… dakilain natin Siya at pasalamatan/ sa pag-ibig Niyang walang-hanggan.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang tagpo ng pakikipagtalo ng mga Pariseo kay Hesus dahil humihingi sila ng makalangit na tanda, sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata walo, talata labing-isa hanggang labing-tatlo.

EBANGHELYO: Mk 8:11-13

Dumating ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo kay Hesus. Gusto nilang subukan si Hesus at humingi ng isang makalangit na tanda. Nagbuntung-hininga siya at sinabi: “Bakit humihingi ng palatandaan ang lahing ito? Talagang sinasabi ko sa inyo: walang tandang ibibigay sa lahing ito.” Kaya iniwan sila ni Hesus at sumakay sa bangka patawid sa kabilang ibayo.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Gemma Ria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Napabuntung-hininga nang malalim ang ating Hesus Maestro. Sa English, mas makahulugan ang sipi. Ang sabi: Hesus “sighed from the depth of His spirit.” Hindi ito ordinaryong buntung-hininga. Mas malalim pa ito sa emosyon. Mula ito sa kaibuturan ng Kanyang Espiritu. May kirot at pagdurusa dahil hindi makaunawa ang mga Pariseo. Naramdaman Niya ito sa Kanyang kaloob-looban dahil nagmamahal Siya. Mahal Niya ang mga Pariseo, pero patuloy ang pagtakwil nila sa Kanya. Hindi napopoot ang ating Hesus Maestro sa kanila, kundi puno Siya ng awa. Sa sipi ng Mabuting Balita ngayon, tahimik lang Siya pero sa ibang mga Gospels, layunin Niyang i-convert sila dahil mahal Niya sila. Madalas na sinusubukan ng ating Panginoon na gimbalin sila sa kanilang indifference at pagtanggi sa dulot Niyang biyaya. Pero hindi sila magbago. Sa makalawa, February 14 na. Valentines’ day. Noon kinikilig ako kapag Araw ng puso. Pero habang nag-aadvance na ako sa age, iba na ang level ng pagmamahal ko. Kaya ko nang magparaya, masaktan, magsakripisyo para sa minamahal ko, para sa inyong lahat. Ito ang kahulugan ng Kuwaresma. Ito ang panahon ng Pagdiriwang ng Dakilang Pagmamahal ng ating Panginoon. Bilang kapalit, tularan din natin ang Kanyang pagmamahal na handang i-alay ang sarili para sa kapwa. Kung sakaling natutulad tayo sa mga Pariseo na madalas hindi ma-gets ang message of love ng ating Hesus Maestro, humingi tayo ng tawad. In case, nahihiya tayong magbalik-loob, titigan natin ang Krusipiho. Paalala ito ng tapang ng loob na harapin ang hamon ng kababaang-loob. Reminder din, humugot tayo ng hininga ng buhay na nagbubukal sa ating Hesus Maestro na may katangi-tangi, greatest at pure love para sa iyo at sa akin.