Daughters of Saint Paul

Pebrero 13, 2017 LUNES Ika-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon / Santa Catalina de Ricci

Mk 8:11-13

Dumating ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo kay Jesus. Gusto nilang subukan si Jesus at humingi ng isang makalangit na tanda. Nagbuntung-hininga siya at sinabi:  “Bakit humihingi ng palatandaan ang lahing ito? Talagang sinasabi ko sa inyo: walang tandang ibibigay sa lahing ito.”  Kaya iniwan sila ni Jesus at sumakay sa bangka patawid sa kabilang ibayo.

PAGNINILAY

Mga kapatid, naganap ang pagtatalo ni Jesus at ng mga Pariseo pagkatapos ng ikalawang pagpaparami ng tinapay.   Sa kabila kasi ng himalang ito, at ng iba pang mga kagila-gilalas na ginawa ni Jesus, hindi pa rin naniniwala ang mga Pariseo na mula sa Diyos ang Kanyang kapangyarihan.  Nababasa naman ni Jesus na ang katigasan ng puso ng mga Pariseo, ang ugat ng hindi nila paniniwala.  Ito ang nagiging hadlang upang makita nila sa mga tanda na ang kapangyarihang kumikilos kay Jesus, mula sa Diyos at hindi kay satanas.  Naging bulag sila sa katotohanang ipinahahayag ng mga tanda – ang kaligtasan ng tao na dumating na sa mundo sa pamamagitan ni Jesus.  Dahil dito, alam ni Jesus na anumang tanda hindi makapagpapabago sa kanilang kawalan ng pananampalataya.  Walang dapat patunayan sa kanila si Jesus kaya’t tumanggi Siyang magbigay ng tanda.  Mga kapatid, suriin natin ang ating sarili, katulad din ba tayo ng mga Pariseo na humihingi ng tanda ng pananatili ng Panginoon sa ating piling?  Hindi pa ba sapat na tanda ang magising tayo sa umagang ito nang may malakas na pangangatawan, may pamilyang nag-aaruga at nagmamahal, may makakain, maiinom, may tahanang masisilungan at may hanging nilalanghap upang patuloy na mabuhay. Tunay ngang patuloy tayong kinakalinga ng walang-hanggang pagmamahal at biyaya ng Panginoon upang patuloy na mabuhay.  Malamang na sa isang saglit na pabayaan tayo ng Panginoon, ‘yun na rin marahil ang katapusan ng ating buhay.  Manalangin tayo.  Panginoon, tulungan Mo po akong makita at maramdaman ang Iyong buhay na presensya sa lahat ng Iyong nilikha – lalo’t higit sa aking kapwa, at sa aking puso. Amen.