Daughters of Saint Paul

PEBRERO 13, 2020 – HUWEBES SA IKALIMANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 7:24-30

Lumayo si Jesus patungo sa hangganan ng Tiro. Pumasok siya roon sa isang bahay at kahit na ayaw niya itong malaman ninuman, hindi ito nalihim. May isang babaeng nakabalita tungkol sa  kanya. Inaalihan ng maruming espiritu ang kanyang dalagita kaya pumunta siya at nagpatirapa sa kanyang paanan. Isa siyang paganong taga-Sirofenicia. At ipinakiusap niya kay Jesus na palayasin ang demonyo sa kanyang anak. Sinabi naman niya sa kanya: ”Bayaan mo munang mabusog ang mga anak. Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon sa mga tuta.” Sumagot ang babae: ”Totoo nga Ginoo, pero kinakain ng mga tuta sa  ilalim ng mesa ang mga nalalaglag mula sa mga bata.” At sinbi sa kanya ni Jesus: ”Dahil sa sinabi mong ito, lumabas na sa iyong anak na babae ang demonyo.” Kaya umuwi ang babae at nakita niya ang bata na nakahiga sa kama; lumabas na nga ang demonyo.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Mahalaga sa isang tao ang pananampalataya. Para itong tubig na nagbibigay buhay sa mga halaman. Ang babaeng humingi ng tulong kay Jesus para pagalingin ang kanyang anak ay isang banyaga, hindi kalahi ni Jesus. Pero, dahil sa kanyang pananampalataya at kababaang loob, ipinagkaloob ni Jesus ang kagalingan ng kanyang anak na dalagita. Ipinapakita dito na kay Jesus, walang banyaga o dayuhan. Hindi ninais ni Jesus na maging banyaga tayo sa bawat isa. Nais N’yang madama natin, na mga anak tayo ng Diyos sa pamamagitan N’ya. Tayo, bilang mga Pilipino, kilala pa din sa pagiging hospitable. May pag-galang pa din tayo sa mga dayuhang dumarating dito sa ating bansa. Maliban na nga lamang sa mga ilang tao o grupo ng mga tao, na ang nais ay sumira ng katahimikan ng ating bansa. Ipagdasal natin na makamtan ng mga taong naghahasik ng kasamaan ang pagbabago ng damdamin. Harinawang ang liwanag na dala ng Panginoong Jesus ang gumabay sa kanila at sa ating lahat. Patuloy tayong mag-aral ng salita ng Diyos, upang lagi tayong nagagabayan sa ating mga gawain sa araw-araw. Sinabi pa ni Jesus na ang kanyang pagkain ay tuparin ang kalooban ng nagsugo sa Kanya at isagawa ang kanyang gawain. Harinawang maisabuhay natin ang aral ng ebanghelyo ngayon. Amen.