Daughters of Saint Paul

PEBRERO 13, 2022 – IKAANIM NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Isang mapagpalang araw sa inyo mgaKapanalig! Pagiging mapalad ang tawag sa sinumang nananatili kay Kristo dahil ang Dios lamang ang tunay na kagalakan ng tao. Ito po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul na nag-aanyaya sa inyo na pakinggan natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas Kabanata anim, talata labing pito, dalawampu hanggang dalawamput anim. 

EBANGHELYO: Lk 6 : 17, 20-26

Tumingala si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi: “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat bubusugin kayo. Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon, sapagkat tatawa kayo. Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa Mga Propeta. Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa! Sawimpalad kayong mga busog ngayon, sapagkat magugutom kayo. Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak! Sawimapad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”  

PAGNINILAY

Madalas tinatawag sa pananaw ng mundo na “mapapalad” yaong mayayaman, namumuhay sa pagsasaya at tinitingala dahil sa kanilang impluwensiya o kapangyarihan. Makikitang binaliktad ni San Lukas ang pananaw na ito. Sinimulan ni San Lukas ang kanyang sermon sa apat na pagiging mapalad at apat na pagiging aba. Ang salitang “mapalad” ay nangangahulugan nang kamalayan o being aware sa iyong kalagayan ngayon kung ito ay patungo kay Kristo. Ang pagiging mapalad ay hindi nangangahulugan na hindi ka na makakaranas ng paghihirap. Sa makatwid, ang pagiging mapalad ay patuloy na pagharap sa mga pagsubok sa buhay ngunit alam mong ito ay lilipas din at ang iyong gantimpala ay makakamtan sa langit. Titipunin ng Dios sa Kanyang Kaharian ang sumusunod sa Kanya. Ngunit sa aba na nagtamasa na ng kaginhawaan ngayon, na ginamit ang kayamanan, nagpakasasa at naging maluho ang pamumuhay, magigising sila na binitiwan o tinalikuran na nila ang kanilang kaugnayan sa Dios. Manalangin tayo: Panginoon, salamat sa Iyong Banal na Salita na nagbibigay sa amin ng gabay at lakas patungo sa Iyong Landas, Amen.