BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Purihin ang Diyos nating mapagkalinga at mapagmahal. Siya ang “tinapay ng buhay” na pumapawi sa ating mga pagkagutom. Makilala nawa natin Siya bilang ating Panginoon at Diyos, na bukal ng ating buhay. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Panawagang mag-ingat sa lebadura ng mga Pariseo at ni Herodes ang hamon sa atin ng Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata walo, talata labing-apat hanggang dalawampu’t isa.
EBANGHELYO: Mk 8:14-21
Nakalimutan ng mga alagad na magadala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa bangka. At pinagsabihan sila ni Hesus: “Mag-ingat at huwag magtiwala sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” At sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay.” Alam ni Hesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo pinag-uusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba ninyo maisip at maunawaan? Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong di nakakakita at may tengang di nakakarinig? Hindi ba ninyo naaalala nang pinira-piraso ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Labindalawa.” “At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang bayong na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Pito.” At sinabi ni Hesus: “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”
PAGNINILAY
Isinulat ni Cl. Russel Patolot ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Hindi maipagkakailang may pagkahilig tayong mga Pilipino, sa panlabas na kaanyuan. Isa siguro sa mga dahilan, kung bakit napakaganda ng Pasko sa Pilipinas ay dahil sa mga dekorasyon – mga Christmas lights na kumukuti-kutitap, mga parol na naglalakihan, mga awiting Pamasko na September pa lang ay namamayagpag na sa mga radyo, at iba pa. Kaya lang kung minsan, sa hilig natin sa garbo at pa-wow na effect, nakakaligtaan natin ang tunay na kahulugan ng ating pagdiriwang na kadalasa’y nalulunod sa rangya ng palamuti. Sa Mabuting Balita ngayon, tahasang pina-alalahanan ni Hesus ang kanyang mga alagad, na mag-ingat sa lebadura ng mga Pariseo at ni Herodes. Hindi ang pampaalsa sa tinapay, ang tinutukoy ni Hesus, kundi ang kanilang pagpapaimbabaw. Mahalaga ang lebadura dahil pinapaangat at binibigyang-hugis nito ang tinapay, pero kung susuriin, hangin lang pala ang nagpapalaki sa tinapay! Sa ating buhay, ang karangyaan, karanasan, at kasanayan ay ang lebadura ng ating pagkatao, kung kaya’t maaaring umalsa ang ating kayabangan mula sa mga ito. Hindi ang lebadura ang mahalaga sa Diyos, dahil hindi Niya ito mamamasa; ang Kanyang minamahal, ay ang harinang nagpapaubayang maging tinapay sa Kanyang paghuhulma’t paggabay. Mga kapatid, hingin natin kay Hesus ang biyayang maging mas mapagpakumbaba, upang sa ating pagganap ng araw-araw na tungkulin, laging nakaapak sa lupa ang ating mga paa, at laging nakatutok naman ang ating mga mata sa langit, Amen.