Daughters of Saint Paul

Pebrero 14, 2017 MARTES Ika-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon / San Cirilo, monghe, at San Metodio, obispo

Gen 6:5-8; 7:1-5, 10 – Slm 29 – Mk 8:14-21

Mk 8:14-21

Nakalimutan ng mga alagad na magadala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa bangka. At  pinagsabihan sila ni Jesus:  “Mag-ingat at huwag magtiwala sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.”  At sinabi ng mga alagad sa isa't isa:  “Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay.”

         Alam ni Jesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila:  “Bakit ninyo pinag-uusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba ninyo maisip at maunawaan? Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong di nakakakita at may tengang di nakakarinig? Hindi ba ninyo naaalala nang pinira-piraso ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?”  At sumagot sila:  “Labindalawa.”  “At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang bayong na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila:  “Pito.”  At sinabi ni Jesus:  “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”  

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang Ebanghelyong narinig natin, pagpapatuloy sa narinig natin kahapon.  Nangyari ang tagpong ito, pagkatapos ng pakikipagtalo ni Jesus sa mga Pariseo.  Humihingi ang mga ito ng tanda mula sa Kanya, bilang katibayan na Siya’y mula sa Diyos.  Pero, ang totoo’y nais lamang nilang mabigo si Jesus, nang sa gayo’y hindi na Siya hahangaan at susundan ng maraming tao.  Inggit ang nagbunsod sa kanila upang subukin at hamunin ang pagka-Diyos ni Jesus.  Kaya naman, nagbabala si Jesus sa Kanyang mga alagad na mag-ingat sa lebadura ng mga Pariseo at ni Herodes.  Tumutukoy ang lebadura sa ugali ng mga Pariseo at ni Herodes na maaaring pamarisan ng iba – mapagkunwari at walang pananampalataya.  Nasaksihan na ng mga alagad ni Jesus ang Kanyang mga ginawang himala.  Ipinaaalala ngayon ni Jesus sa kanila kung papaano Niya pinakain ang libu-libong tao sa dalawang himala ng pagpaparami ng tinapay.  Kaya walang dahilan upang mag-alala sila ngayong wala silang dalang tinapay.  Lungkot ang nadama ni Jesus dahil hindi pa rin nila nauunawaan ang mga tandang ginawa Niya.  Hindi pa nila nakikilala si Jesus bilang Tagapagligtas na isinugo ng Diyos upang sa pamamagitan Niya’y iligtas ang tao sa lahat ng paghihirap at umaalipin sa kanila.  Kapatid, sa iyong personal na buhay nararamdaman Mo ba ang mahiwagang pagkilos ng Panginoon lalo na sa panahon ng pagsubok?  Manalangin tayo.  Panginoon, buksan Mo po ang aking puso at isip nang makita ko’t maunawaan ang Iyong mahiwagang pagkilos sa aking buhay.  Amen.