Daughters of Saint Paul

PEBRERO 14, 2021 – IKAANIM NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: Mk 1:40-45

Lumapit sa kanya ang isang may ketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya. Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.” Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.

PAGNINILAY

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Fr. Micha Competente ng Society of St. Paul.  Papaano mo i-cecelebrate ang araw ng mga puso?// Para sa ilan sa atin, ang araw ng mga puso ay araw para lamang sa mga magkasintahan at mag-asawa. Ito raw ay araw para makipagdate, maghanap ng makakadate etc. Yung iba naman, nilalaktawan ang araw na ito o kaya tinatanggal ang number 14 sa kanilang kalendaryo. Sinasabi naman ng iba, na ito ay independence day, o isang ordinaryong araw lamang. Nothing special, ika nga.// Mga kapatid, hindi man pinagpala ang ilan sa atin, na makilala ang kanilang forever sa buhay. (Hindi man naging maganda ang naging takbo ng love stories ng ilan sa atin. Wala ka man makakadate sa araw na ito, pakiramdam mo man isinumpa ka, dahil walang nagmamahal sa sayo, iniiwasan ka man ng maraming tao,) sinasabi sa atin ng ebanghelyo na hindi pa huli ang lahat. May pag-asa pa! Hangga’t tumitibok ang puso ng Diyos, may nagmamahal pa rin sayo. Hangga’t tumitibok ang puso ng Diyos, may naghihintay na pag-asa pa sa iyong buhay. Hangga’t tumitibok ang iyong puso, maaari ka pang magmahal. Ang ketongin sa ebanghelyo ay isang halimbawa ng isang taong hindi nawalan ng pag-asa. Kahit sa mata ng kanilang lipunan ay itinuturing siyang patay na, marumi at wala ng pag-asa, hindi siya tumigil sa kanyang pananampalataya sa Diyos. At dahil dito, mas lalong hindi tumigil ang tibok ng puso ng Diyos sa mga taong tulad niya. Ang mga tulad niya ang laman ng puso ng Diyos. Ang mga tulad niya ang dahilan kung bakit ang Diyos ay hindi tumitigil sa pagmamahal. Sa gitna ng pandemya, maraming tao ang tulad ng ketongin, nawawalan ng pag-asa, nawawalan ng mga nagmamahal sa kanila, pinangdidirihan, iniiwasan, maraming hinihiling sa buhay. Ngayong araw ng mga puso, hilingin natin sa Diyos na linisin ang ating mga puso upang ang maging laman nito ay ang dalisay na pagmamahal, pagmamahal na walang bahid kung sino dapat mahalin, pagmamahal na nagnanais ng kabutihan ng iba.// 

PANALANGIN

Panginoong Hesus, marami akong hinihiling sa iyong ngalan. Ngunit alam niyo ang tunay na nilalaman ng aking puso. Nawa matutunan kitang mahalin sa mukha ng aking mga kapatid, Amen.