Maligayang araw ng mga puso mga Kapanalig! Ito po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Dakilain natin ang ating Panginoon- ang Diyos ng Pag-ibig! Huwaran natin Siya sa tunay na pagmamahal. Si Hesus ang “the best” na halimbawa ng pag-ibig na wagas. / Idalangin natin na sa pamamagitan ng ating patuloy na pakiknig at pagninilay sa Mabuting Balita, matuto tayong mag-alay ng pagmamahal na walang hinihintay na kapalit. // Sinasabing mahirap magpaliwanag sa taong sarado ang isipan, at mahirap makipagtalo sa taong ayaw makinig dahil sa palagay niya, siya lang ang laging tama. Ito ang karanasan ni Jesus sa harap ng mga Pariseo. Pakinggan natin ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata walo, talata labing isa hanggang labintatlo.
EBANGHELYO: Mk 8:11-13
Dumating ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo kay Jesus. Gusto nilang subukan si Jesus at humingi ng isang makalangit na tanda. Nagbuntung-hininga siya at sinabi: “Bakit humihingi ng palatandaan ang lahing ito? Talagang sinasabi ko sa inyo: walang tandang ibibigay sa lahing ito.” Kaya iniwan sila ni Jesus at sumakay sa bangka patawid sa kabilang ibayo.
PAGNINILAY
Mga kapanalig, nais kong ibahagi sa inyo ang aking karanasan/ nang ako’y nagdesisyong pumasok ng kumbento. Bagama’t marami ang nagtataka/ at hindi nakakaintindi kung bakit ako pumasok, maging ang aking ina, mga kapatid, kaibigan at mga kamag-anak – nagpatuloy pa rin akong tahakin/ ang bokasyon ng pagmamadre. Iba’t iba ang kanilang haka-haka/ kung bakit ako nagmadre. May nag-aakalang/ bigo daw ako sa pag-ibig. Sa tingin naman ng nanay ko, takot daw akong manganak. Di rin makapaniwala ang mga kapatid ko/ dahil wala daw sa tipo ko/ ang makakatagal sa kumbento. Limang taon na akong nagtatrabaho noon, at nag-eenjoy ako sa aking trabaho. Masaya akong kasama ang aking pamilya, kamag-anak at mga kaibigan. Pero sa kabila nito, tila may kulang akong nararamdaman sa aking puso/ na sinikap kong hanapan ng kasagutan. Ito ang nag-udyok sa akin/ para sumailalim sa seryosong discernment/ o pagtuklas sa pamamagitan ng panalangin/ kung ano talaga ang gusto ng Diyos para sa akin. Hindi man malinaw sa akin/ kung ako nga’y tinatawag ng Diyos sa pagmamadre, pero sinubukan ko pa ring pumasok. Sabi ko sa aking sarili, wala namang masamang sumubok. Kung ma discover ko/ along the formation years/ na hindi talaga ako sa pagmamadre, e di lalabas ako’t/ mag-aasawa. Marami akong pagsubok na naranasan sa loob. At makailang ulit ko ring naisipang lumabas sa kumbento. Ito ang mga pagkakataong lalo pa akong nagdasal/ at humingi ng tanda sa Panginoon. Sabi ko sa Diyos noon, kung magkakasakit ako ng malubha/ habang nag-aaral pa ako sa pagmamadre, malinaw na tanda ito na hindi talaga ako para sa bokasyong ito. Sa awa ng Diyos, minor lang ang mga naging sakit ko noong under formation pa ako. At ramdam na ramdam ko/ ang buhay na presensya ng Panginoon/ lalo na mga panahong/ nahihirapan na akong tumugon sa aking bokasyon. Ngayong 21 years na akong professed sister, nasabi ko sa aking sarili/ na tapat ang Panginoon sa Kanyang pangako/ na kapag tinawag ka Niyang maglingkod, bibigyan ka Niya ng biyayang kayanin/ ang lahat ng pagsubok na kakaharapin mo, gaano man ito kabigat at kalaki.// Nagkasakit ako ng malubha noong 2014/ at naaksidente at napilay noong 2019. Pero sa lahat nang ito, iniligtas ako ng Panginoon, tanda ng Kanyang pag-ibig at habag sa akin. Mga kapanalig, hindi naman masamang humingi ng tanda sa Panginoon, lalo na sa mga ginagawa nating pagdedesisyon. Pero maging bukas sana tayong tanggapin/ kung ano man ang Kanyang tugon, at lagi itong gawin nang may panalangin at pagtitiwala sa Diyos.