Gen 8:6-13, 20-22 – Slm 116 – Mk 8:22-26
Mk 8:22-26
Pagpasok ni Jesus at ng kanyang mga alagad sa Betsaida, isang bulag ang dinala sa kanya at hiniling sa kanyang hipuin ito. Inakay ito ni Jesus sa labas ng bayan, pinahiran ng laway ang mga mata nito at ipinatong ang kanyang kamay. At saka niya ito tinanong: “May nakikita ka ba?” Tumingin ang tao, at sinabi nito: “Parang mga punongkahoy ang nakikita ko pero lumalakad, tiyak na mga tao ito.” Kaya agad na pinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata nito, at nakakilala siya at gumaling, at nakita nga niya nang malinaw ang lahat.
Pinauwi ito ni Jesus sa pagsasabing: “Huwag kang pumasok kahit na sa nayon.”
PAGNINILAY
May dalawang pangyayari sa Ebanghelyo ni San Markos kung saan nagpagaling si Jesus ng bulag. Una, ang bulag na si Bartimeo, na agad gumaling sa pamamagitan lamang ng Salita ni Jesus. At ang ikalawa, ang bulag sa Ebanghelyo ngayon, na unti-unti ang pananauli ng paningin matapos pahiran ng laway ni Jesus ang mga mata nito at ipatong ang Kanyang mga kamay. Marahil itatanong ninyo, bakit kaya hindi kaagad gumaling ang ikalawang bulag? Mga kapatid, ipinapahiwatig ng pangyayaring ito, kung papaano lumalalim ang pananampalataya sa Kanya ng Kanyang mga alagad. Sa una’y kailangan munang magkaroon sila ng personal na ugnayan sa Kanya, upang makilala Siya at magtiwala sa Kanyang kapangyarihan. Maaaring sa simula’y hindi pa magiging malinaw sa kanila ang lahat ng ginagawa at sinasabi ni Jesus. Pero, sa paglipas ng panahon ng pagsunod nila kay Jesus, titibay ang kanilang pananampalataya at magiging malinaw din sa kanila ang lahat. Kung papaanong isang malaking biyaya para sa bulag ang pananauli ng Kanyang paningin, gayundin para sa mga alagad ni Jesus – isang napakalaking biyaya ang maging bahagi ng Kanyang buhay at misyon. Tayo din, nangangailangan ng kagalingan sa ating pisikal at espiritwal na pagkabulag. Kailangang pagalingin tayo ng Panginoon sa ugali nating mapanhusga, mapagmataas at mapagsamantala sa kahinaan ng kapwa. Bulag tayo, sa tuwing mas pinipili natin ang ginhawa sa buhay at nakikita ang sanggol sa sinapupunan bilang sagabal sa pagkamit nito. Bulag tayo, sa tuwing sumasang-ayon tayo sa sistema ng korupsyon at nananatiling tahimik sa gitna nito, dahil nakikinabang din tayo. At mas matindi ang ating pagkabulag at manhid na ang kunsensiya, kung hindi na tayo nababahala sa nagaganap na extra judicial killings sa ating bansa, at tinatanggap ito bilang epektibong paraan ng pagsawata ng droga. Hilingin natin ang liwanag na nagmumula sa Banal na Espiritu na kasihan tayo ng malinaw na pagpapasya na laging manindigan sa kung ano ang tama at kalugod-lugod sa Diyos.
