Daughters of Saint Paul

PEBRERO 15, 2018 HUWEBES PAGKARAAN NG MIYERKULES NG ABO

LUCAS  9:22-25

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong-araw.”

Sinabi naman ni Jesus sa lahat: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan nito alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?”  

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, napapanahon ang mensahe sa atin ng Panginoong Jesus ngayon, lalo na sa panahong tila nananaig ang kasakiman, karahasan at pagkakanya-kanya.  Dahil sa pagnanais na magkamal ng limpak-limpak na salapi at ari-arian, maraming tao ang nabubulagan at natutuksong sumang-ayon sa sistema ng corruption; nagsasamantala sa pinaghirapan ng iba; nasasangkot sa krimen at namumuhay nang walang pakialaman basta hindi sila apektado.  Napaigting pa ang kultura ng walang pakialaman at pagkakanya-kanya dahil sa pagkahumaling ng marami sa social networking sites sa internet.  Maraming tao ang kayang mamuhay mag-isa; magkulong sa kuwarto kahit maghapon basta’t may kasamang computer, cellphone at iba pang gadgets na konektado sa internet.  Ito ang mundong ginagalawan natin sa ngayon.  At sa gitna ng mundong ito, inaanyayahan tayo ng Panginoon na magpaka-Kristiyano – sumunod sa Kanya, itakwil ang sarili at pasanin ang krus araw-araw.  Kung sisikapin nating sumalungat sa agos ng kasamaan at huwag padadala sa corruption, pagsasamantala sa kapwa at pagkakanya-kanya – siguradong marami ang magtatakwil sa atin.   Kung isusulong natin ang hustisya, kapayapaan at katotohanan, makararanas din tayo ng pagtuligsa.  Mga kapanalig, ang tensiyong manatili sa kabutihan sa gitna ng kasamaan – isang krus na dapat nating pasanin.  Pero hindi magiging mahirap ang pagpasan natin ng Krus kung kasama natin ang Panginoong Jesus.  Walang binatbat ang mga krus sa buhay na pinapasan natin ngayon, kumpara sa krus na pinasan ng Panginoon alang-alang sa pag-ibig sa ating lahat.  Manalangin tayo.  Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang makayanan kung sumalungat sa agos ng kasamaan nang kasalukuyang mundo.  Patatagin Mo po ako sa pagpasan ng aking krus at laging sumunod Sa’yo.  Amen.