Daughters of Saint Paul

PEBRERO 15, 2024 – Huwebes pagkaraan ng Miyerkules ng Abo | San Claudio de la Colombiere

BAGONG UMAGA

Mapagpalayang araw ng Huwebes ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Purihin ang Panginoong Hesus na nag-alay ng buhay alang-alang sa pag-ibig sa bawat isa sa atin.  Sa ating araw-araw na pagsisikap, na pasanin ang ating krus nang may pagmamahal, naipagkakaisa natin ang ating sakripisyo sa dinanas ng Panginoon. (Hilingin natin ang katatagan ng pananampalatayang pasanin ang ating pang-araw-araw na krus nang may pagmamahal.)  Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata siyam, talata dalawampu’t dalawa hanggang dalawampu’t lima.

EBANGHELYO: Lk 9, 22-25

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong-araw.” Sinabi naman ni Hesus sa lahat: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan nito alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?”   

PAGNINILAY

Bilang isang kristiyano at tagasunod ni Kristo, hindi malayo na makakaranas tayo ng kapighatian, kalungkutan o pagdurusa, anuman ang ating katayuan sa buhay. It’s a given, ‘ika nga. Pero ang mahalaga, sa kabila ng mga pagsubok ay magkaroon tayo ng positive outlook sa bawat sandali ng ating buhay. Kung meron tayong positive attitude, we will always be grateful for everything. Dahil ang lahat ng bagay ay biyaya. Kahit ang negatibong pangyayari sa buhay natin ay puwedeng maging paraan upang matamo natin ang isang masayang kaganapan. Ito ay isang bagay na napakagandang pagnilayan lalo na ngayong panahon ng kuwaresma.  Minsan ay ibinubunton natin sa Diyos ang sisi pag merong di magandang nangyayari sa buhay natin. Pero isipin natin na hindi tayo bibigyan ng Panginoon ng mga pasaning di natin kayang dalhin. Meron isang kuwento tungkol sa isang lalaki na nag complain sa Diyos dahil ‘di na niya makayanan ang mga dinadalang problema sa buhay. Nag asked siya kay Lord kung puedeng palitan ng magaan ang krus na pinapasan niya sa buhay. Pinagbigyan naman siya ni Lord at dinala siya sa isang silid na puno ng mga crosses na iba’t iba ang sizes at weight. Pinapili siya ng krus na sa palagay niya ay kaya niyang pasanin. Pumili ang lalaki ng isang krus na katamtaman ang laki at kaya ang bigat nang ipinatong niya ito sa balikat. Napangiti ang Panginoon nang makita ang krus na pinili at nagwika: Ang pinili mong krus ay di nag-iba. Iyan din ang krus na dinadala mo sa ngayon, na akala mo ay napakabigat at di mo kayang pasanin.  Kapatid, mabigat ba ang pasanin mo sa buhay, ang problemang hinaharap mo? Tawag ka lang sa Panginoong Hesus, higpitan mo lamang ang kapit sa kanya at tutulungan ka niya. Hindi ka niya bibitawan. Dahil si Hesus ay lagi nating katuwang sa anumang pasanin sa buhay. Sabi nga ng aming founder na si Blessed James Alberione, “by ourselves we can do nothing, but with God, we can do everything.”