MATEO 9:14-15
Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, para sa Simbahang Katolika, ang pag-aayuno at pangingilin, isang paggunita at pagpapalalim sa sariling pag-aayuno ni Hesukristo ng apatnapung (40) araw. Hindi lang ito pagpigil sa pagkain, kundi ito’y pansamantalang pag-iwas din sa mga kinagigiliwan nating gawain tulad ng gabi-gabing panonood ng telenobela, pagwi-window shopping at paggigimik, pagbababad sa internet, ipod, iphones at cellphones, at iba pang gawaing pinaglalaanan natin ng maraming panahon. Ngayong panahon ng Kuwaresma, dapat nating bawasan ang panahong ginugugol natin sa mga gawaing ito, para makapaglaan tayo ng sapat na panahon para magdasal at magsulit ng sarili, kasama ang Diyos. Tunay na ang pag-aayuno at pagdarasal laging magkaugnay. Pinatitibay ng pag-aayuno ang ating kabanalan, pinupukaw nito ang ating habag, at iniluluhog nito sa Diyos ang pagnanais nating baguhin ang ating puso. Mahalaga ring bigyang pansin na sa ating pag-aayuno sa pagkain, lakipan natin ito ng tamang intensiyon. Hindi tayo nag-aayuno o nagdidiyeta para bumaba ang ating timbang at gumanda ang katawan, o kaya ayaw natin ang pagkain. Walang merito ang ganitong klaseng pag-aayuno. Sa halip, nag-aayuno tayo para kalimutan ang sarili at ibahagi sa iba, lalo na sa mga kapatid nating naghihirap at nagugutom ang pagkain o perang maiipon natin sa pag-aayuno. Ang munting sakripisyong ito’y kusang-loob nating ginagawa bilang pakikiisa sa dinanas na paghihirap, pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Jesus. Pero ang pag-aayuno na higit na kalugod-lugod sa Diyos, ay ang pag-aayuno natin sa paggawa ng kasalanan – sa pagtitsismis at paghusga sa kahinaan ng ating kapwa, at sa pag-iwas sa mga bisyo at gawaing nagbubulid sa ating kaluluwa sa kasalanan. Magagawa natin ito kung maglalaan tayo ng sapat na panahon sa pananalangin. Panginoon, tulungan Mo po akong lumago sa aking buhay-panalangin at pananampalataya. Patatagin nawa ng aking pag-aayuno ang aking pananggalang espiritwal laban sa kasalanan. Amen.