EBANGHELYO: MATEO 5:17-37 [o5:20-22a, 27-28, 33-34a, 37]
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigay-karapatan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsasagawa at magtuturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.” Sinasabi ko sa inyo nakung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay. Sinasabi ko naman sa inyo: Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang manuya sa kanyang kapatid. Nararapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos. Makipagksundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makakalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.” “Narinig na ninyo na sinabing: Huwag kang makiapid. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: ang sinumang tumingin nang may pagnanasa sa isang babae ay nakiapid na rin sa kanyang puso. Kaya kung ang iyong kanang mata ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, alisin mo ito at itapon! Makabubuti pa sa iyo na mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Kung ang kanang kamay mo naman ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon! Mas makabubuti sa iyo ang mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. “Sinabi rin namang: Kung may makikipagdiborsiyo sa kanyang maybahay, bigyan niya ito ng katibayan. Ngunit sinasabi ko sa iyo: kung may magpapaalis sa kanyang maybahay sa ibang dahilan maliban sa kawalang-katapatan, pinapakiapid niya ito. At nakikiapid rin ang nagpapakasal sa babaeng diborsiyada. “Narinig na ninyo na sinabi rin sa inyong mga ninuno:Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan. Tuparin mo ang sinumpaang pangako sa Panginoon. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: huwag kayong manumpa sa ngalan ng Langit pagkat naroon ang trono ng Diyos, ni sa ngalan ng lupa pagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa, ni sa ngalan ng Jerusalem pagkat ito ang lunsod ng Dakilang Hari. Huwag kang manumpa ni sa ngalan ng iyong ulo pagkat ni hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isang hibla ng iyong buhok. Sabihin mo ‘oo’ kung oo at ‘hindi’ kung hindi. Ano pa mang sasabihin mo’y sa demonyo na galing.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sem. Jean Carl Nathaniel Supan ang pagninilay sa ebanghelyo. Noong nasa high school ako, may panahon na naging atheist ako. Hindi ako naniwala sa Diyos. At dahil ito rin ang panahon ng aking pagbibinata, naging curious ako sa aking sarili, lalong lalo na sa aking katawan at sekswalidad. Marami akong nadiskubreng kalaswaan at mga pelikulang masasabi nating hindi pampamilya. Sa madaling salita, nalulong ako bisyong ito. Kahit anong pagpigil at kahit anong pag hanap ng ibang libangan at gawain para hindi matukso, bumabagsak at napapabalik pa rin ako sa kasalanan na ito. Kulang pa rin. Pero, noong ito’y tinapatan ko ng dasal at pagmamahal na tunay sa Diyos, mas kinaya ko ang paglaban sa tuksong ito. Mgakapatid, hindi lamang pag tanggal ng mga bagay na nakakatukso ang kailangan para makaiwas sa kasalanan. Mas epektibo pa rin pag may pagdarasal at pagmamahal sa Diyos. Ano pa ba ang pwede nating gawin upang mas mapalapit sa Panginoon?