Isang mapagpalang araw mga masugid naming tagasubaybay ng programang ito. Dakilain natin ang Diyos nating Makapagkalinga at Mapagmahal! (Kahit hindi natin lubos na maunawaan ang mahiwagang pagkilos ng Panginoon sa ating buhay, siguradong patuloy Siyang kasama natin. ) Ito po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St Paul na nag-aanyayang makinig sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata walo talata dalawamput dalawa hanggang dalawampu’t anim.
EBANGHELYO: Mk 8:22-26
Pagpasok ni Jesus at ng kanyang mga alagad sa Betsaida, isang bulag ang dinala sa kanya at hiniling sa kanyang hipuin ito. Inakay ito ni Jesus sa labas ng bayan, pinahiran ng laway ang mga mata nito at ipinatong ang kanyang kamay. At saka niya ito tinanong: “May nakikita ka ba?” Tumingin ang tao, at sinabi nito:” Parang mga punongkahoy ang nakikita ko pero lumalakad, tiyak na mga tao ito.” Kaya agad na pinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata nito,at nakakilala siya at gumaling, at nakita nga niya nang malinaw ang lahat. Pinauwi ito ni Jesus sa pagsasabing: “Huwag kang pumasok kahit na nasa nayon.”
PAGNINILAY
Nanumbalik ang kanyang paningin at malinaw na niyang nakita ang lahat. Dalawang beses hinipo ni Jesus ang bulag upang ito ay muling makakita. Sa pangyayaring ito, tinuturo sa atin ang isang proseso para sa isang matagumpay na pagpapagaling. Minsan, nakausap ko ang isang ina na nagbahagi kung paano niya pinapalaki ang kanyang mga anak lalo na sa mga karunungang makalangit. Kaya, ikinuwento ng ina na araw-araw sinisikap niyang maituro at maipadama na ang Dios ay pagmamahal. Isang proseso o paraan ang pagkilala sa mga biyayang sa araw araw ay patuloy nilang tinatanggap. Oo, isang malaking hamon ito.Sa pagpapalaki sa mga bata o pagpapalalim ng karanasan sa Dios, mahalagang may tiyaga at puno ng pagmamahal na ginagawa ito. Proseso ito na di dapat minamadali. Kung babalikan natin ang prosesong ginawa ni Jesus sa bulag na taga-Bethsaida, Una, dinala muna niya ito sa labas ng bayan nang walang ibang makakita ; ikalawa, gumawa siya ng putik at inilagay sa mata ng bulag, ikatlo, hinipo niya ng dalawang beses ang mga mata nito at unti-unting luminaw ang kanyang paningin. Kakaiba itong pagpapagaling ni Jesus sa dati niyang paraan nang biglaang pagpapagaling sa pamamagitan ng isang salita lamang . Totoo nga na sa bawat karanasan natin may iba’t-ibang paraan ang Dios ng pagtugon. Minsan, biglaan ang pagpapagaling, minsan naman mas mahaba ang proseso. Manalangin tayo: Panginoon, salamat po sa patuloy mong pagbibigay ng kagalingan sa aming pagkabulag. Gawin mo rin kaming handang ipadama sa aming kapwa ang iyong mapagkalingang haplos at awa.