Daughters of Saint Paul

PEBRERO 16, 2024 – Biyernes pagkaraan ng Miyerkules ng Abo        

BAGONG UMAGA

Magandang-magandang araw ng Biyernes mga masugid kong tagasubaybay ng programang ito.  Dakilain ang Panginoong Diyos sa pagkaloob sa atin ng panibagong pagkakataon upang mamuhay sa kabanalan at pagmamahal.  Bawat araw na pinapahiram sa atin ng Diyos, panibagong pagkakataon upang iwaksi ang ating mga pagkakamali at punan ang ating naging pagkukulang sa nakalipas na araw. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. May aral tungkol sa pag-aayuno ang Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Mateo kabanata siyam, talata labing-apat hanggang labing lima. 

EBANGHELYO: Mt 9:14-15

Lumapit kay Hesus ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Hesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Kuwaresma na naman, at muli nating naririnig ang salitang Fasting o pag-aayuno. Madalas iniuugnay natin ito sa pagkain, dahil napaka halaga ng pagkain at inumin para sa atin araw-araw, dito tayo kumukuha ng nutrisyon at lakas. Kung isasakripisyo natin ito, tiyak mahihirapan tayo, minsan pa nga makakadama tayo ng panghihina ng katawan. Tandaan, na hindi ito pag-didiet lang, o pagnanais na pumayat. Nagsasakripisyo tayo – para makibahagi sa pagpapakasakit ni Hesus at upang mapalapit tayo sa ganap na kabanalan ng Diyos.  Tunay na maraming iba’t ibang paraan ng pag-aayuno o fasting. Maliban sa pagkain o inumin, sa panahon natin ngayon, may mga nagfafasting na din sa paggamit ng social media, sa labis na paggamit o pagkahumaling sa mga gadgets. Sa iba naman, hindi daw sila bibili ng mga mamahaling damit, sapatos o bag. Ang kanilang maiipon, ibibigay nila bilang tulong sa mga nangangailangan. Sa iba naman hindi muna sila mamimintas, mamumuna, magmamarites, o kaya di muna makiki-alam sa buhay ng iba. Iba’t-ibang paraan ng pagsasakripisyo. Ikaw, paano ka mag-aayuno ngayong kwaresma?  Mga kapatid, sa ating pagsasakripisyo, alalahanin natin na hindi lamang tayo umiiwas sa paggawa ng mga labis o masasarap na bagay. Bagkus, ang tunay na layon – sa ating mga gagawing pagsasakripisyo ay mas maging malinaw ang daan na ating tinatahak tungo sa kabanalan upang masundan natin si Kristo. Nais nating tularan si Hesus.  Nawa, sa panahong ito ng kuwaresma, dalisayin natin ang ating mga puso at diwa, pagbutihin ang ating mga gawa. Alisin natin ang mga labis o mga bagay na makasasagabal sa daan tungo sa ating pakikiisa sa pagsasakripisyo ni Hesus hanggang sa makibahagi tayo sa ganap na Paghahari ng Diyos dito sa lupa para ng sa langit. Amen.