Daughters of Saint Paul

Pebrero 17, 2017 BIYERNES Ika-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon / Ang Pitong Nagtatag ng Orden Servita, mga relihiyoso

 

Gen 11:1-9 – Slm 33 – Mk 8:34-9:1

Mk 8:34-9:1

Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad pati ang mga tao, at sinabi;  “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan nito alang-alang sa akin at sa ebanghelyo ang magliligtas nito.

            “Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? At pagkatapos ay sa ano niya maipagpapalit ang kanyang sarili? Ang ikinahihiya ako at ang aking mga salita sa harap ng di-tapat at makasalanang lahing ito ay ikahihiya rin ng Anak ng Tao pagdating niyang taglay ang luwalhati ng kanyang Ama, kasama ng mga banal na anghel.”

            At idinagdag ni Jesus:  “Totoong sinasabi ko sa inyo na di daranas ng kamatayan ang ilan sa mga naririto  hanggang hindi nila nakikita ang Kaharian ng Diyos na dumarating na may kapangyarihan.”

PAGNINILAY

Napapanahon ang mensahe sa atin ng Ebanghelyo ngayon.  Lalo na sa kulturang pinangingibabawan ng materyalismo, komersyalismo at hedonismo, na kadalasan nagsasantabi sa Diyos at sa ating pananampalataya.  Maraming tao ang abala sa pagpapayaman at pagkamit ng mga ari-arian; marami din ang walang humpay sa pag-aaral para magpakadalubhasa sa iba’t ibang larangan; at marami ang naghahangad ng tagumpay, kapangyarihan at popularidad.   Kaya nga pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon na tanungin ang ating sarili:  Ano nga ba ang pakinabang ng tao makamtan man niya ang yaman, kapangyarihan, katanyagan na pinapahalagahan ng buong daigdig – kung sarili naman niya ang mawawala.  Maraming tao ang ipinagpapalit ang kanilang kaluluwa, mabubuting prinsipyo at pinapahalagahan, maging ang kanilang moralidad – makasabay lamang sa kalakaran ng lipunan.  Marami ang nagpayaman sa di-makatarungan at makataong pamamaraan.  Marami din ang sumasang-ayon sa sistema ng korupsyon na talamak pa rin sa kasalukuyan.  Mga kapatid, aanhin natin ang yamang makakamit sa masasamang gawaing ito, kung mapapahamak naman ang ating kaluluwa sa impiyerno?  Panginoon, pagkaloobang Mo po ako ng karunungang makita kung ano ang tunay na mahalaga sa mundong ito.  Pagsumikapan ko nawa itong makamit sa bawat araw na pinapahiram Mo sa akin.  Amen.