Daughters of Saint Paul

PEBRERO 17, 2018 SABADO PAGKARAAN NG MIYERKULES NG ABO / Ang Pitong Nagtatag ng Orden Servita, mga relihiyoso

LUCAS  5:27-32

Nakita ni Jesus ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya. Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo ang maraming kolektor ng buwis at iba pang nga tao. Dahil dito'y pabulong na nagreklamo sa ng alagad ni Jesus ang mga Pariseo at ang mga guro ng Batas na panig sa kanila: “Ba't kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Sumagot naman si Jesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang mga malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.         

PAGNINILAY:

Mula sa upuan ng paningilan ng buwis tinawag ni Jesus si Levi na kilala natin sa pangalang Mateo, upang muling umupo, hindi na para muling maningil ng buwis kundi para sumulat ng Mabuting Balita.  Mula sa pagiging kabilang sa grupo ng magnanakaw at itinuturing na kakampi ng Romanong mananakop, tinawag siya ni Jesus upang maging alagad Niya sa pagpapalaganap ng Kaharian ng Diyos.  Si Levi ang halimbawa ng isang maysakit na hinango ni Jesus mula sa kanyang karamdaman.  Marami siyang dinaya at pinahirapan; pero sa kabila nito tinawag siya ng Panginoon upang ituwid ang kanyang buhay.  Mga kapanalig, ngayong panahon ng Kuwaresma, ugaliin natin magnilay at pakinggan ang tinig ni Jesus para sa ating pagbabalik-loob. Nauunawaan Niya ang ating kahinaan at kung anuman ang nagawa nating pagkakasala. Matagal na Niyang hinihintay ang ating pagbabalik-loob.  Hindi Siya naparito para husgahan tayo at idiin sa ating pagkakasala, kundi para panumbalikin ang nasira nating relasyon sa Diyos Ama at linisin ang nadungisan nating budhi.  Ang paghango ni Jesus kay Levi mula sa pagkakasala, isa ring paalala sa atin tungkol sa pakikitungo natin sa mga taong kinamumuhian natin.    Anuman ang nagawa nilang kasalanan, gaano man kasakit ang ginawa nila sa atin bunga nito – pinapaalalahanan tayo ng Panginoon na wag natin silang itakwil at hushagan.  Sino ba sa atin ang hindi nagkakamali?  Sino ang hindi nagkakasala?  Hilingin natin sa Panginoon na pagkalooban tayo ng pusong mapagpatawad at marunong umunawa sa kamalian ng iba, dahil tayo din naman nagkakamali at nagkakasala.