EBANGHELYO: MARCOS 8:11-13
Dumating ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo kay Jesus. Gusto nilang subukan si Jesus at humingi ng isang makalangit na tanda. Nagbuntung-hininga siya at sinabi: “Bakit humihingi ng palatandaan ang lahing ito? Talagang sinasabi ko sa inyo: walang tandang ibibigay sa lahing ito.” Kaya iniwan sila ni Jesus at sumakay sa bangka patawid sa kabilang ibayo.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Haaay.. Kailan ka huling napabuntong-hininga? Sa ebanghelyo, napabuntong-hininga si Hesus bilang reaksyon nito sa mga Pariseo na mahilig makipagtalo sa kanya. Hindi sa ayaw ng Panginoon na makipagtunggali sa kanila. Kaya ni Hesus makipagtalo at manalo sa bawat diskusyon na kanilang pinag-uusapan. Pero hindi na ito kailangan patunayan ng ating Panginoon. Napabuntong-hininga lamang si Hesus dahil sa lungkot. Nakaramdam ito ng pagkabigo dahil sa kawalan ng pananampalataya ng mga Pariseo sa makalangit na tandang ibinigay ng Diyos sa kanilang piling. Napabuntong-hininga ang Panginoon sa pagiging bulag nila sa pinapakita na pag-ibig ng Diyos sa kanila.// Mga kapanalig, nananampalataya tayo hindi sa pagnanais na makakita tayo ng milagro. Nagkakaroon tayo ng mga debosyon, nagdadasal tayo ng rosaryo, nagsisimba hindi lamang dahil sa meron tayong hinihiling sa Diyos. Regalo ng Diyos ang pananampalataya na natanggap natin sa araw ng ating binyag. Nawa’y gamitin natin ito. Pananampalataya ang magbubukas ng ating mga mata para mapansin ang kamangha-manghang pagkilos ng pag-ibig ng Diyos sa mga ordinaryong pangyayari sa araw-araw nating pamumuhay.// Kung kaya, sa nakakalitong sitwasyon, hindi na kailangan humingi ng tanda sa Diyos ang taong merong pananampalataya para maging basehan ng kanyang dapat gawin. Sa halip, lalo pa itong magdadasal, nang lumalim pa ang relasyon niya kay Hesus, na Siyang Daan, Katotohanan at Buhay; ang totoong tanda ng pag-ibig ng Diyos. Lalo rin tumitibay ang loob ng taong merong pananampalataya kahit na matindi ang hamon ng buhay. Kumbinsido pa rin ito na, sa gitna ng unos, patuloy na dumadaloy ang biyaya ng Diyos. Dahil naniniwala at nagtitiwala ito na ang Diyos nati’y hindi pabaya, kundi Diyos ng awa.//
PANALANGIN:
Panginoon, sa pagsisimula ng bagong linggo, buksan po ninyo ang aming kamalayan na makita sa mga ordinaryong sitwasyon ng buhay ang napakaraming biyayang handog mo. Amen.