Daughters of Saint Paul

PEBRERO 17, 2021 – MIYERKULES NG ABO

EBANGHELYO: Mt 6:1-6,16-18

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat na hindi maging pakitantao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin n’yo wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa Langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila ng husto. Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. Kung mananalangin kayo, huwag n’yong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo. Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantipalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno na pakitantao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Micha Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sinisimulan natin ang panahon ng Kuwaresma sa pamamagitan ng pagpapahid ng abo sa ating mga noo. Ang abo ay simbolo ng ating karupukan bilang tao. Ito rin ay simbolo ng ating pagbabalik-loob sa Diyos. Sa pamamagitan ng pag-aayuno, pagbibigay limos, pagsasakripisyo at higit sa lahat taimtim na pananalangin, nagagawa nating ibalik ang ating sarili sa Diyos. Pero, sa pagsasabuhay natin ng mga bagay na ito, pinapaalalahanan tayong iwasang maging pakitang-taong gawain ang mga ito, o ang pagiging mapagkunwari. Ang taong mapagkunwari ay ang taong gumagawa ng mabuti para mapansin at papurihan lamang. Sa pagsasabuhay ng mga ito, mas kinakailangan ng mabuti at dalisay na intensyon. Kung dalisay ang ating intensyon sa pagsasagawa ng mga ito, mas mapapansin tayo, hindi ng tao, kundi ng Diyos. Kung malinis ang ating intensyon, mas mangingibabaw ang Diyos at hindi ang ating mga sarili. Ito ang diwa ng kuwaresma, ang mangingibabaw ang Diyos sa ating buhay. Nawa iwasan natin ang maging mapagpaimbabaw upang ang grasya ng kuwaresma ay maging ganap at mag-umapaw.  

PANALANGIN

Panginoon, linisin mo nawa ang aking konsensya at intensyon upang sa aking pagtupad sa iyong kalooban ay maging ganap at totoo ako sa aking sarili at sa iyo.  Amen.