Isang mapayapang araw ng Huwebes mga minamahal naming kapatid kay Kristo.Purihin ang Panginoong ating Tagapagligtas. Ito po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang padaluyin natin sa ating buhay ang malasakit at habag ng Panginoon. Tinanong ni Jesus ang mga alagad kung sino siya para sa mga tao, at kung sino siya para sa kanila. Pakinggan natin ang kanilang tugon sa Ebanghelyo ayon kay San Markos kabanata walo, talata dalawamput pito hangang tatlumput tatlo.
EBANGHELYO: Mk 8:27-33
Pumunta si Jesus kasama ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Filipo. At habang nasa daa’y tinanong niya ang kanyang mga alagad :”Sino raw ako ayon sa mga tao? “Sumagot sila: ”May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o isa sa mga propeta kaya.” At tinanong niya sila: “Ngunit ano naman ang sinabi ninyo kung sino ako?”At sumagot si Pedro:”Ikaw ang Mesiyas.” At inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang tungkol sa kanya. At sinimulan niyang ituro sa kanila na kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon pagkatapos ng tatlong araw. At buong tapang siyang nagsalita. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulan siyang pagsabihan. Ngunit pagtalikod ni Jesus , nakita niya na naroon din ang kanyang mga alagad. Kaya pinagsabihan niya si Pedro : “Sa likod ko, Satanas! Hindi sa Diyos galing ang iniisip mo kundi mula sa tao.”
PAGNINILAY
Isang daan at limampung taonna ngayong araw nang bitayin ng pamahalaang-kolonyal ng Espanya sa Pilipinas ang tatlong paring martir o mas kilala bilang GomBurZa. ‘Di maikakaila ang kanilang malaking kontribusyon sa Pilipinong nasyunalismo, kasarinlan, at pagkakakilanlan. NGUNIT, higit sa makabayan, malaki rin ang ambag ng naturang mga bayani sa Pilipinong relihiyosong kamalayan. Bago pa man sila bitayin, ang kanilang mga akda at pagsasabuhay sa Kristiyanong ideyal ang siyang nagtulak din sa marami nating mga bayani’t kababayan upang isabuhay din ang ebanghelyong naipunla sa kani-kanilang mga realidad na ginagalawan. Sa huli, ang kamatayan ng tatlong paring bayani ang siyang naging simula ng paglaban ng mga Pilipino sa pambubusabos ng kolonyalismo’t kahirapan, at ang paghahanap ng Pilipino sa kanyang sarili. Eh sister, ano namang kinalaman ng GomBurZa sa ebanghelyo ngayon? Hmmmm? “Sino ako para sa inyo?” ‘Yan ‘yung katanungang umalingawngaw sa diskusyon nina Hesus at kanyang mga alagad sa daan patungong Caesarea Filipo. Noong una, mukhang nagkakatuwaan pa.”Sino ako para sa inyo?” At ang mapagmataas na sagot ni Pedro, “Aba, Lord siyempre, ikaw ang Kristo!” Akala niya, lubos na niyang kilala si Hesus. Nag-iba ang tono ni Pedro nang ipahayag ng Panginoon sa mga tao ang kanyang magiging kahihinatnan bilang Kristo: na ang Kristo’yitatakwil, pahihirapan, papatayin at mabubuhay muli. Hindi ito matanggap ni Pedro at sinaway ang kanyang Panginoon. Paanong mangyayari iyon gayong siya ang Mesiyas? Ang Mesiyas na magpapalaya sa bayan ng Israel bilang magiting na hari kagaya ni Haring David.Ngunit iba ang konsepto ng pagiging Mesiyas para kay Hesus dahil ang Paghahari ng Diyos ay taliwas sa konsepto ng kaharian ng mundo. Napabulalas tuloy si Hesus, “Lumagay ka sa Likuran ko, Satanas!” Dahil ang Paghahari ng Diyos ay ang siya mismong pagka-Diyos at pagkatao ni Hesus. Dahil ang panawagan ni Hesus sa kanyang mga alagad ay ang pagtutulad natin ng ating buhay sa buhay ng Kristong Hesus. Ikaw? Sino si Hesus para sa iyo atsino ka bilang Pilipinong Kristiyano sa kasalukuyang panahon? Pagnilayan ang pagbubukas-loob ng tatlong paring martir. Higit sa lahat, bumaling sa pagbibigay ng sarili ni Hesus.