Daughters of Saint Paul

PEBRERO 17, 2024 – Sabado pagkaraan ng Miyerkules ng Abo | Ang Pitong Tagapagtatag ng Orden ng mga Lingkod ng Mahal na Birheng Maria

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo.  Ika-labimpito ngayon ng PEBRERO, ipinagdiriwang natin ang Pitong Tagapagtatag ng Orden ng mga Lingkod ng Mahal na Birheng Maria. Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin, makatugon nawa tayo sa paanyaya ng Panginoon na sumunod sa kanya.  Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Lima, talata dalawampu’t pito hanggang tatlumpu’t dalawa.

EBANGHELYO: Lk 5:27-32

Nakita ni Hesus ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya. Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo ang maraming kolektor ng buwis at iba pang nga tao. Dahil dito’y pabulong na nagreklamo sa ng alagad ni Hesus ang mga Pariseo at ang mga guro ng Batas na panig sa kanila: “Ba’t kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Sumagot naman si Hesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang mga malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.          

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemma Gamab ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Naranasan mo na bang ma “star struck” sa isang taong sobra mong hinangaan? Katulad ng karanasan ni Levi sa ating ebanghelyo ngayon na iniwan ang lahat, upang sumunod kay Hesus. Si Levi ay isang kolektor ng buwis na sumunod kay Hesus nang walang pag-aalinlangan, nang marinig niya ang paanyaya ni Hesus na, “Sumunod ka”. Nagpapahiwatig ang tagpong ito na kilala niya si Hesus, at naniwala siyang maliligtas siya ni Hesus mula sa dating niyang buhay. At sa isang iglap, sumunod siya sa daan ng tunay na pagbabago at pagbabalik loob sa Diyos. Ninais niyang makapiling si Hesus, at dahil dito, nabago ang buhay nya.  Ngayong panahon ng Kuwaresma, tinatawagan tayong lahat, na mag-balik loob sa Diyos, dahil ang kanyang pagliligtas ay para sa lahat ng tao. Nakisalo siya sa mga publikano at makasalanan, at winika sa mga Esriba at Pariseo, “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng manggagamot kundi ang may sakit. Hindi siya naparito para tawagin ang mga mabubuti, kundi ang mga makasalanan upang magbalik loob. Hangad ni Hesus na hanapin at iligtas ang nawawalang nilalang ng Diyos. Tayong lahat ay makasalanan, na nangangailangan ng kanyang awa at habag. Ang Diyos mismo ang gumawa ng paraan upang akayin tayo sa matuwid na daan. Sa pamamagitan ng kanyang grasya, nahahandugan tayo araw-araw ng lakas ng loob, upang makatugon sa paanyaya Niyang sumunod sa Kanya. Kung kaya, ang panahon ng Kuwaresma ay isang paanyaya sa hapag ng Diyos, upang makisalo sa Kanyang sakripisyo at pag-aalay ng buhay, para sa kaligtasan ng mundo. Sa pamamagitan ng ating mga panalangin, pag-aayuno at pagkakawang-gawa maganap nawa sa atin ang tunay na pagbabago at pagbabalik loob sa Diyos.Panginoon “ituro mo ang iyong loob, nang matapat ko itong masunod” Amen.