Daughters of Saint Paul

PEBRERO 18, 2021 – HUWEBES PAGKARAAN NG MIYERKULES NG ABO

EBANGHELYO: Lk 9:22-25 

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong-araw. Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan nito alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Lucia Olalia ng Pastorelle Sisters ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Lahat ng mga naniniwala o sumasampalataya kay Hesus ay gustong sumunod sa kanyang yapak./ Kabilang ka ba sa mga gustong sumunod sa Kanya?  Tuwirang sinasabi ni Hesus sa mga gustong sumunod sa Kanya na “limutin ang ukol sa sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus” at sumunod sa Kanya./ Hindi ipinangako ni Hesus ang buhay na walang pagsubok, bagkus ang kanyang sinabi ay lumapit tayo sa kanya,  tayong nabibigatan at tutulungan Niya tayong magpasan ng ating mga pasanin sa buhay./ Mga kapatid, huwag pasaning mag-isa ang mabigat na dalahin sa buhay. Lumapit tayo kay Hesus upang tayo’y tulungan Niya!  Magiging daan ito ng ating kabanalan at kaligtasan hindi lamang pansarili, kundi gayundin ng ibang higit na nangangailangan ng Kanyang awa. Alalahanin natin, na wala namang buhay na walang pagsubok. Madalas nga dahil sa mga pagsubok, nagiging mas malapit tayo sa Diyos. Dahil sa Kanya tayo kumakapit kapag pinanghihinaan ng loob, dulot ng mga problema sa buhay. May kasabihan din na “kung tatakasan natin ang ating krus, hahabol ito sa atin.  Pero kung yayakapin natin ang ating krus, ito ang kakarga sa atin. ” Huwag tayong mawalan ng pag-asa, sa halip ay tingnan natin ang bawat krus na isang hamon o paanyaya upang lalo tayong mapalapit sa Diyos.  Matatapos din ito tulad ng “pandemic” na ating nararanasan sa kasalukuyan. Alalahanin din natin na kapag ang dilim ay sukdulan na, malapit na ang bukang liwayway. Kumapit nang mahigpit  sa Diyos. Malay natin…malay mo… bukas o makalawa, makita na natin ang liwanag.  Fight lang!