Isang maligayang araw ng Biyernes mga kapatid kay Kristo! Pasalamatan natin ang Dios na masilayan muli ang kagandahan ng bagong araw. Idalangin natin na pagkalooban tayo ng makalangit na karunungan upang makita kung ano ang higit na mahalaga sa mundong ito. Pakinggan natin ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata walo, talata tatlumput apat hanggang kabanata siyam talata isa.
EBANGHELYO: Mk 8:34-9:1
Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad pati ang mga tao, at sinabi; “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na maligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan nito alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo ang magliligtas nito. “Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? At pagkatapos ay sa ano niya maipagpapalit ang kanyang sarili? Ang ikinahihiya ako at ang aking mga salita sa harap ng di-tapat at makasalanang lahing ito ay ikakahiya rin ng Anak ng Tao pagdating niyang taglay ang luwalhati ng kanyang Ama, kasama ng mga banal na Anghel.” At idinagdag ni Jesus: “Totoong sinasabi ko sa inyo na di daranas ng kamatayan ang ilan sa mga naririto hanggang hindi nila nakikita ang Kaharian ng Diyos na dumarating na may kapangyarihan.”
PAGNINILAYPasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ito ang isang tanda ng isang tagasunod ni Jesus, ang kahandaang yakapin ang pangaraw-araw na krus sa ating buhay. Malaking challenge ito sa atin ngayon dahil alam nating maraming distractions ang nagiging sagabal sa ating pagsisikap na sundan ang mga yapak ni Hesus. Isa sa kulturang ito ay ang MEDIA. Hindi natin maipagkaila na malaki ang impluwensiya nito sa atin. Minsan nagigising tayo sa mga musika o programa na ating naririnig mula sa ingay ng mga gadgets ng iba. Ikalawa , ang Materialismo– Isa rin ito na hindi madaling ibalanse. Tinuturan tayo ng mga advertisement na kailangang magkaroon tayo ng bago, ng latest model na puedi na nating mabili at ma-enjoy. Pangatlo ang WORRIES o alalahanin.Marami tayong gustong mangyari, nais makamtan at marating. Maraming financial concerns lalo na sa panahong ito- mga nagkakasakit nating mahal sa buhay at marami pang mga hirap at pasanin. Kaya, ano nga ba ang tunay nating bigyan ng atensiyon…ng pagpapahalaga. Nagkakaroon ng kahulugan ang ating pagpasan ng ating KRUS kung si Jesus ang ating sinusundan. Kaya, kahit anuman ang ating mga binabatang krus sa buhay, alalahanin nating ang Dios ay tumutugon sa ating pangaraw-araw na pangangailangan at Siya ang ating tanging lakas. . Manalangin tayo: Panginoon , gabayan mo kami sa aming pagpili at pagde- desisyon . Bigyan mo po kami ng panibagong lakas at karunungan lalo na ang mga frontliners nitong panahon ng pandemya at ang mga nagkakasakit at nag-aalaga sa kanila. Siya nawa!.