Daughters of Saint Paul

Pebrero 19, 2017 LINGGO Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon

 

Lev 19:1-2, 17-18 – Slm 103 – 1 Cor 3:16-23 – Mt 5:38-48

Mt 5:38-48

Narinig ninyong sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin. 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong kalabanin ang masamang tao. Ngunit ang sinumang sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila. 40 Kung may ibig magsakdal sa iyo at kunin ang iyong damit, payagan mo na rin siyang kunin ang iyong balabal. 41 Sinumang pumilit sa iyo na lumakad ng higit sa isang kilometro, lumakad ka ng higit pa sa dalawang kilometro na kasama niya. 42 Bigyan mo ang humihingi sa iyo at huwag mong talikdan ang ibig humiram sa iyo.

Narinig ninyong sinabi: Ibigin mo ang iyong kapwa at kapootan mo ang iyong kaaway. 44 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway. Pagpalain ninyo ang mga napopoot sa inyo. Gawan ninyo ng mabuti ang mga nagagalit sa inyo. Ipanalangin ninyo ang mga umaalipusta sa inyo at ang mga umuusig sa inyo. 45 Ito ay upang kayo ay magiging mga anak ng inyong Ama na nasa langit sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga masama at sa mga mabuti. At binibigyan niya ng ulan ang mga matuwid at ang mga hindi matuwid. 46 Ito ay sapagkat kung ang iibigin lamang ninyo ay ang mga umiibig sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamit? Hindi ba ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 Kapag ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong babatiin, ano ang kahigitan ninyo sa iba? Hindi ba ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 48 Kaya nga, kayo ay magpakasakdal tulad ng inyong Ama na nasa langit ay sakdal.

PAGNINILAY

Mga kapatid, layunin ng “mata sa mata” ng Matandang Tipan na pigilan ang karahasan, kaya kung ano ang sala, gayon din ang parusa.  Sa Bagong Tipan naman, binigyang-kaganapan ni Jesus na wala sa pagganti, kundi nasa pagtuturo at pagtutuwid sa taong nagkasala, ang tunay at ganap na katarungan.  Bilang mga Kristiyano, hindi sapat ang maging mabuti tayo sa mga taong mabuti sa atin, o kaya mahalin lamang ang mga taong nagmamahal sa atin, o maging responsable lamang sa ating mga kamag-anak at kaibigan.  Higit pa kaysa rito ang panawagan sa atin ng Panginoong Jesus. Inaasahan Niyang lagpasan pa natin ang karaniwang pagtupad sa batas ng pag-ibig.  Tapang at tatag ng loob ang kailangan natin upang magawa ito.  Dahil sa totoo lang, madali itong sabihin pero mahirap gawin kung hindi tayo hihingi ng tulong sa Diyos.  Manalangin tayo.  Panginoon, bigyan Mo kami ng lakas upang magpatawad at huwag gumanti.  Sa halip na magparusa, maging mahinahon nawa kami upang maturuan at maituwid ang aming kapwang nagkamali.  Bigyan Mo rin kami ng biyaya upang buksan ang aming mga puso hindi lamang sa mga mahal namin kundi pati na sa mga taong mahirap mahalin at tanggapin.  Amen.